Inianunsyo ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (PISTON) na maglulunsad ito ng pambansang welga sa transportasyon simula sa Huwebes, Marso 19. Protesta ito sa napakalalaking pagtaas sa presyo petrolyo dulot ng gerang agresyon ng US at Israel sa Iran at kainutilan ng rehimeng Marcos na kontrolin ang mga kumpanya ng langis na kara-karakang nagtataas ng mga presyo.
Ayon sa grupo, hindi sapat ang tulong ng gubyerno sa mga drayber at operator habang patuloy na tumataas ang presyo ng diesel at gasolina. Tumaas na nang higit ₱20/litro ang presyo ng diesel, at nakatakda pa itong tataaas nang dagdag na ₱20.40 hanggang ₱23.90 kada litro bukas, Marso 17. Itutulak nito ang presyo ng diesel tungong ₱100-₱120 kada litro.
Sa isang press conference ngayong Lunes, Marso 16, inihayag ng presidente ng PISTON na si Mody Floranda na ang pagtuntong ng presyo ng diesel sa ₱120 kada litro ay mangangahulugan ng pagkalugi ng mga drayber ng ₱3,600 kada araw. Kumukonsumo ng 30 litro ang isang drayber para sa buong araw na pamamasada.
“Ngayong darating po na March 19 ay idedeklara po natin at ilulunsad po natin, hindi lamang po sa National Capital Region kundi sa buong bansa ang isang protesta, welga na pangungunahan ng driver at operator laban sa pagkainutil ng administrasyon ni Bongbong Marcos, at laban sa agresyon ng US na nagdudulot ng pahirap sa mamamayang Pilipino,” aniya. Plano ng Piston na ituluy-tuloy ang transport strike hanggang di tugunan ng rehimeng Marcos ang kanilang mga hiling.
Sasabayan ang welga ng protestang bayan, ayon kay Raymond Palatino, pangkalahatang kalihim ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN).
Tanggal-buwis at dagdag-pasahe
Panawagan ng Piston at Bayan ang agarang pagtatanggal ng Value-Added Tax (VAT) at excise tax sa petrolyo, gayundin ang pagbabasura sa Oil Deregulation Law na nagbibigay ng kapangyarihan sa mga kumpanya ng langis na itakda ang presyo. Sa kasalukuyang presyo, nakalilikom ang gubyerno ng buwis na ₱15/litro ng diesel at ₱17/litro ng gasolina. Habang tumataas ang presyo, lumalaki rin ang nalilikom ng gubyerno dahil sa VAT.
Bilang bahagi ng kanilang mga kahilingan, maghahain ang PISTON ng petisyon para sa ₱5 na dagdag-pasahe sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB). Anito, hindi sapat ang ₱5,000 cash aid ng gubyerno na tatagal lamang ng ilang araw. Dating kumikita ang mga drayber ng ₱500-₱700 sa pamamasada nang 12-18 oras kada araw. Ngayon, kumikita na lamang sila ng ₱200-₱300.
Taas-pasahe sa bus at barko
Di pa man tumaas ang presyo ng petrolyo noong Marso 10, pinayagan na ng gubyerno ang 20% na pagtaas ng pamasahe sa mga barkong lumalayag sa Visayas at Mindanao. Nakatakda na ring payagan nito ang mga kumpanya sa eroplano na magtaas na presyo ng mga tiket nito.
Samantala, pinayagan na ng gubyerno ang mga kumpanya ng bus na bumibyahe papuntang prubinsya na magtaas ng batayang pamasahe nang ₱1 at ₱0.30 kada susunod na kilometro para sa ordinaryong mga bus at ₱0.35 kada susunod na kilometro sa mga de-aircon na bus. Pinayagan ding magtaas nang ₱0.45 kada susunod na kilometro ang mga espesyal na bus. Ang byahe, halimbawa, mula Metro Manila hanggang Naga City ay biglang tumaas tungong ₱1,050 mula sa dating ₱800.
Ikinagulat ng mga pasahero ang biglaang pagtaas nang wala man lamang abiso.
The post Pambansang welga sa transportasyon, magsisimula sa Marso 19 appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

