Malawakang binatikos ng mga pahayagang pangkampus mula Luzon hanggang Mindanao ang pambubusal at pang-aatake ng administrasyon ng University of Mindanao sa Primum, pahayagang pangkampus ng mga estudyante sa kampus. Ipinatanggal ng administrasyon ang ilang kritikal na artikulo nito, ipinatanggal ang Facebook page at tahasang kinontrol ang mga usapin at ugnayang panlabas ng pahayagan sa nagdaang mga linggo.
Noong Pebrero 25, ipinatanggal ng administrasyon ang artikulo ng pahayagan na “Ang Alegorya ng Mananakbo.” Nilaman ng artikulo ang pahayag ng dating Pangulo ng Pilipinas na si Rodrigo Duterte na “hindi trabaho ng babae” ang pagkapangulo na itinapat sa kamakailang anunsyo ng anak ni Duterte at bise presidenteng si Sara Duterte.
Dumanas ng matinding panggigipit at presyur ang pahayagan at ang mga mamamahayag pangkampus kasunod ng naturang insidente. Natulak ring magresayn ang ilang mga patnugot nito. Dumulo ang panggigipit sa tahasang pagbura sa Facebook page ng Primum noong Marso 10.
Agad na sumuporta sa Primum ang mga kapwa pahayagang pangkampus sa buong bansa. Ayon sa College Editors Guild of the Philippines (CEGP), pinakamalawak na alyansa ng mga pahayagang pangkampus sa bansa, ang mga hakbang na ito ng administrasyon ng unibersidad ay tahasang paglabag sa karapatang maglathala at kalayaan sa asosasyon ng mga estudyante.
“Ang karanasan ng Primum, tulad ng mga pahayagang sinensura ng kanilang mga administrasyon sa iba’t ibang panig ng bansa, ay nagpapakita kung paano lumiliit ang espasyo para sa mga estudyanteng mamamahayag,” ayon sa CEGP. Nangyayari umano ang mga ito dahil sa pagtanggi ng gubyerno at ng mga pribadong institusyon na kilalanin ang mahalagang papel ng mga mamamahayag pangkampus sa pagpapalaganap ng tunay na demokrasya.
“Sa halip, itinuturing silang mga simpleng tagabalita at tagamasid lamang ng mga institusyong nabubulok na dahil sa katiwalian at kawalang pananagutan,” ayon pa sa CEGP. Dagdag ng grupo, ang mga pag-atakeng ito ay pinatitindi pa ng mga kaso ng Red-tagging at “terror-tagging” ng mga pwersa ng estado sa mga pahayagang pangkampus, kanilang mga alyansa at pormasyon dahil sa kritikal na pagbabalita.
Nanawagan ang CEGP sa administrasyon ng University of Mindanao na wakasan ang panghihimasok at pagkubabaw nito sa Primum na nagpapatupad lamang sa mga tungkulin nito sa kapwa estudyante at mamamayang Pilipino. Hinimok rin ng CEGP ang iba pang mga pahayagang pangkampus, mga organisasyong pampahayagan, at mga tagapagtaguyod ng malayang pamamahayag na suportahan ang Primum. “Ang atake sa isa sa atin ay atake sa ating lahat—at sa ating hinaharap,” anang grupo.
The post Pambubusal ng administrasyon ng University of Mindanao sa pahayagang pangkampus, binatikos appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

