Binatikos ng Visayas Human Development Agency (VIHDA) ang tuluy-tuloy na tanggalan at paglabag sa mga karapatan sa paggawa ng mga kumpanya sa ilalim ng Sports City International sa loob ng Mactan Export Processing Zone (MEPZ) sa Lapu-lapu City sa Cebu. Ang Sports City International ay isang kumpanya sa garments na nagsusuplay ng mga produkto para sa mga mamahalin at kilalang Amerikanong brand.
Nitong Marso 14, biglang inanunsyo ng Pan-Phil Sportswear Inc na magsasara na ang pabrika sa loob ng MEPZ na ikinagulat ng daan-daang mga manggagawa nito. Anila, walang ipinaabot ang kumpanya bago nito na mga problema sa gusali o istruktura ng pagawaan na magbibigay-katwiran sa kara-karakang pagsasara. Nagpoprodyus ng Pan-Phil Sportswear ng mga kasuotang pang-sports para sa mga internasyunal na brand tulad ng Nike.
Ayon sa maneydsment, sinabihan ang mga manggagawa na ililipat sila sa ibang pabrika, pero wala itong ipinakitang nakasulat na kasunduan. Lubos na naliligalig ang mga manggagawa dahil sa banta na mawalan sila ng trabaho. Marami sa kanila ay ilang taon nang nagtatrabaho sa naturang pabrika.
Binalaan rin ng kumpanya ang mga manggagawa laban sa pagkokonsulta o pagsasalita sa iba kaugnay sa kanilang kaso, at binantaang ang sinumang magsisiwalat nito ay maaring maapektuhan ang kanyang katayuan sa kumpanya. Nagdulot ang babala na ito ng dagdag na takot at pumigil sa mga manggagawa na makakuha ng tamang abiso kaugnay sa kanilang mga karapatan.
“Ang pagsasara ng Pan-Phil Sportswear Inc ay bahagi ng mas malawak na kawalang katiyakan ng mga kaayusang sub-contracting na umiiral sa Mactan Export Processing Zone (MEPZ),” ayon sa VIHDA. “Sa ilalim ng mga iskemang labor flexibility na ginagamit ng malalaking kumpanya tulad ng Sports City International, madalas na inililipat-lipat ang produksyon sa iba’t ibang pabrika depende sa hinihiling na produksyon at demand ng buyer.”
Anito, nagbubunga ang kaayusang ito ng kawalan ng katiyakan sa trabaho, habang napipiga nang husto ang lakas paggawa ng mga manggagawa.
Samantala, iniulat din ng VIHDA ang malawakang paglabag sa karapatan sa paggawa ng Metro Wear, isa pang kumpanya sa ilalim ng Sports City International. Noong Hulyo 2025, inilagay ng kumpanya ang nasa 1,500 sa forced leave matapos sagarin ang kanilang paggawa sa kasagsagan ng mga order noong huling kwarto ng taon. Ang Metro Wear ay nakapailalim sa Sports City International, isang multinasyunal na kumpanyang nakabase pangunahin sa Taiwan. Gumagawa ito ng kasuotan para sa malalaking kumpanyang Amerikano tulad ng Lululemon at Victoria’s Secret.
Ayon sa VIHDA, 1,500 manggagawa ang inilagay sa “forced leave” noong Hulyo 2025, matapos ang sagarang produksyon para makamit ang mga kotang itinakda ng kumpanya. Noong Oktubre 2025, nag-alok ng “early retirement” ang kumpanya bilang paraan ng pagbabawas ng regular na mga manggagawa. Sa gitna ng kawalang katiyakan sa trabaho, may 500 manggagawa ang tumanggap sa alok. Dagdag na 300 ang tinanggap ang alok na early retirement pagpasok ng Enero
Kaugnay nito, kinundena ng Center for Trade Union and Human Rights (CTUHR) ang kalakaran ng kumpanya ang pigain nang todo ang mga manggagawa at animo’y sinisisante sila pagkatapos. Habang naka-forced leave, walang sahod ang mga manggagawa at nakaasa lamang sa P125 kada araw na subsidyo.
“Hindi bago ang pagtaas-baba ng industriya sa garments, kaya dati nang ipinanawagan ng iba’t ibang grupo sa mga kumpanya na magsagawa ng mga hakbang para mapangalagaan ang mga karapatan sa paggawa,” pahayag ni Kamz Deligente, executive director ng CTUHR. Dapat may kakayahan ang Metro Wear na ipatupad ang mga hakbang na ito dahil nagsusuplay ito sa kilalang mga brand na nagbebenta ng mamahaling mga kasuutan.
“Dapat tinitiyak ng Victoria Secret, Lululemon at iba pang brand na sinusuplayan ng Metro Wear na naipatutupad sa mga pabrika nito ang pagtataguyod at paggalang sa mga karapatan sa paggawa,” ayon kay Deligente.
The post Malawakang tanggalan, paglabag ng dayuhang kumpanya sa mga karapatan ng mga manggagawa sa Cebu, binatikos appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

