Mariing kinundena ng Kilusang Magbubukid ng Masbate (KMM) ang paghahasik ng takot ng mga elemento ng 2nd Infantry Battalion (IB) sa mga estudyante at guro sa Libertad National Highschool at Libertad Elementary School sa Barangay Libertad, Cawayan, Masbate noong Marso.
Ayon sa ulat ng mga magulang ng mga estudyante, iniisa-isang tiningnan ng mga sundalo ang bawat estudyante na tila ay may hinahanap na tao. Nagdulot ito ng matinding takot at pagkabahala sa mga estudyante, magulang at mga guro. Ilan sa mga magulang ay natakot nang papasukin ang kanilang anak sa paaralan. Hinala ng mga nila at ng mga guro ay hinahanap ng mga sundalo ang mga anak na pinararatangang mga myembro ng rebolusyonaryong grupo. Bali-balita sa naturang barangay na target ng militar maging ang mga anak ng mga nais nilang “pasukuin” na magulang, anito.
Samantala, kasalukuyang nakapailalim sa militarisasyon ang mga barangay sa bayan ng Palanas, Cataingan at Cawayan mula pa kalagitnaan ng Enero. Ginagamit ng mga sundalo bilang himpilan o baraks ang mga pampublikong pasilidad kabilang ang barangay hall, covered court, health center, plasa at paaralan. Ayon sa KMM, nilalagay ng mga sundalo sa panganib ang kaligtasan ng mga residente sa kanilang pamamalagi sa mga komunidad.
Naiulat din ang pagbabanta ng mga sundalo sa mga residente sa inilunsad nitong pulong sa mga barangay sa bayan ng Caatainga. Ayon sa mga residente sinabihan sila na kapag nabalitaan ng mga militar na nagpatuloy sila ng mga myembro ng rebolusyonaryong grupo ay barilin ng mga ito ang kanilang bahay.
Noong Marso 11, naiulat ang pagdagdag ng tropa ng mga sundalo sa Barangay San Carlos sa bayan ng Palanas. Nangangamba ang mga residente na planong magtayo ng kampo ng militar sa kanilang komunidad.
Nanawagan ang KMM sa mga mamamayan ng Masbate na ilantag ang mga paglabag sa karapatang tao ng mga sundalo.
The post Paghahasik ng takot ng 2nd IB sa mga paaralan sa Masbate, kinundena appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

