Nagprotesta ang mga magsasaka at katutubong mamamayan mula sa bayan ng Candoni, Negros Occidental noong Marso 10-11 sa labas ng gymnasium ng Barangay West kasabay ng asembliya para sa sa Free, Prior and Informed Consent (FPIC). Lalahok sana ang mga magsasaka at katutubo sa asembliya ngunit tahasan silang pinigilan ng mga tauhan ng Hacienda Asia Plantations Inc (HAPI) at mga sundalo ng 15th IB.
Ang FPIC ay “pagsang-ayon” ng mga katutubo sa proyekto. Isa itong rekisito para sa aplikasyon ng Environmental Compliance Certificate (ECC) ng HAPI sa Department of Environment and Natural Resources (DENR). Ang mga permit ay para sa operasyon ng 6,652.32 ektaryang plantasyon ng oil palm sa mga barangay ng Gatuslao, Payawan at Agboy sa Candoni.
Ang lupang sasaklawin ng plantasyon ng HAPI ay kinamkam mula sa mga magsasaka at katutubong Ati sa pamamagitan ng isang Integrated Forest Management Agreement (IFMA) sa DENR noong 2009. Nasaklaw ng kasunduan ang mga lupang ninuno ng mga Ati. Ang IFMA ay isang mekanismo para ibigay sa pribadong mga kumpanya ang ekslusibong karapatan para “paunlarin, pangasiwaan, protektahan at gamitin” ang isang takdang erya ng kagubatan at mga rekurso dito.
Sinimulan na ang agresibong pagpapalayas sa mga residente sa saklaw na mga barangay para sa plantasyon noong Hulyo 2024. Sa malakas na paglaban ng mamamayan, pansamantalang napatigil ang operasyon ng HAPI noong Hunyo 2025 nang malantad na walang ECC ang kumpanya. Kaya naman, iniraratsada at minamanipula ito sa kasalukuyan ng HAPI.
Ayon sa mga magsasaka at katutubo, ang tanging pinapasok lamang sa asembilya para sa FPIC ay ang mga piling residente na pabor sa HAPI at plantasyon ng oil palm. Nalantad din na karamihan sa mga delegado ng asembliya ay walang mga saklaw na lupa sa maaapektuhang mga barangay at erya.
Nagpahayag ng suporta sa pagkilos ng mga magsasaka at katutubo ang Kilusang Magbubukid ng Pilipinas-South Negros, maka-kalikasang grupo na Save Tablas, at grupo sa karapatang-tao na September 21 Movement-South Negros. Anang mga grupo, matinding paglabag sa karapatan ng mga magsasaka at katutubo ang ginawang manipulasyon at panloloko ng HAPI at maging ng mga tauhan ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) na nangasiwa para sa FPIC.
Muling nanawagan ang mga magsasaka at katutubo na itigil ang plantasyon ng oil palm, huwag bigyan ng permit ang HAPI, at tuluyang ibasura ang IFMA na lumalabag sa karapatan ng mga residente.
The post Mga katutubo at magsasaka, hindi pinalahok sa proseso ng FPIC para sa plantasyon ng oil palm sa Negros Occidental appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

