Naalarma ang mga residente sa Cagayan de Oro sa biglang pagdating ng mga sundalong Amerikano sa kanilang syudad noong Marso 13. Nangamba sila sa presensya ng mga ito sa gitna ng pananalakay ng US sa Iran at pagpapasiklab nito ng gera sa Middle East.

“Nasa Cagayan de Oro ang isa sa siyam na mga EDCA site ng militar ng US, ang Lumbia Air Base,” pahayag ng International League of PEoples’ Struggles-Philippines. “Tama lamang na mag-alala ang mamamayan dito sa harap ng papatinding sigalot sa Iran at West Asia na gawa ng agresyon ng US at Israel.”

Lumaganap sa social media ang ligalig lalo’t namataan ang mga sundalo na pumasok sa ilang otel sa syudad. Pinangambahan nilang makakaladkad ang kanilang syudad sa gera. Palusot ng 4th ID, ang host ng mga tropang Amerikano, naroon lamang daw sila para sa pagsasanay para sa humanitarian aid at disaster response. Bahagi ang pagsasanay sa taunang Balikatan war games ng US, na isinasagawa sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

“Nagiging estratehikong outpost ng US sa mga imperyalistang gera nito ang Pilipinas dahil sa mga EDCA site,” ayon pa sa ILPS. “Hindi ito para sa disaster response. Ito ay pagdadala sa mga heyopulitikal na tensyon direkta sa tarangkahan ng Mindanao.”

The post Presensya ng mga Amerikanong sundalo sa Cagayan de Oro, lubos na ikinaalarma ng mga residente appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.