Nasa 10,000 Japanese ang nagprotesta sa Tokyo sa Japan noong Marso 10 laban sa mapandigma at maka-US na patakaran ni Prime Minister Sanaie Takaichi. Tinutulan nila ang ang pagdeploy ng gubyerno ni Takaichi ng mga long-range issile sa buong bansa, kabilang ang kamakailang paglalagay ng mga missile launcher sa Kumamoto Prefecture, isang residensyal na lugar. Tutol din sila sa balak ng gubyerno na baguhin ang alintuntunin na nagbabawal sa Japan na mag-eksport ng mga nakamamatay na armas sa ibang bansa.

Ang militaristang mga hakbanging ito ay alinsunod sa estratehiya ng US at Japan na palakasin ang kapangyarihang militar ng US sa Asia at itaas ang gastos sa depensa ng Japan bilang paghahanda ng gera sa China. Una nang nagpwesto si Takaichi ng mga long-range missiles sa mga isla ng Kumamoto at Yonaguni na matatagpuan malapit sa Taiwan.

Nagmamadali ni Takaichi na abutin ang hiniling ni Donald Trump, presidente ng US, na paabutin sa 3.5% ang gastos militar ng Japan kapalit ng pagpapanatili ng kasalukuyang antas ng ugnayang U.S.-Japanese. Madalas siyang inihahalintulad kay Trump sa kanyang patakarang “Japan First” (kopya sa America First), mga kontra-imigranteng hakbang at pagiging mapanulsol ng gera sa China. Itinaas na niya ang gastos militar ng Japan tungong 2% ng GDP o P$70–$85 bilyon noong 2025. Bago nito, mahigpit na sinusunod ng Japan ang pagtatakda ng gastos militar hanggang 1.0% lamang ng GDP ng bansa.

Ayon sa mga nagprotesta, ang mga hakbang ni Takaichi ay banta sa mga probisyon sa konstitusyon ng Japan na nagbabawal sa pagsasangkot ng sarili nito sa gera. Nagdudulot din ito ng mataas na tensyon sa buong Asia. Naniniwala silang labis na isasapanganib ng mga hakbang ni Takaichi ang mamamayang Japanese.

“Sa gitna ng patuloy na pagpapalakas ng US sa hegemonya nito, pinili ng Japan na sumunod at makipagtulungan sa Washington habang isinusulong ang mga patakaran para sa (sariling) militaristang pagpapalawak,” pahayag ng upisyal ng Japan Communist Party, isa sa mga organisador ng protesta. “Salungat ito sa layunin ng pagpapanatili ng kapayapaan at katatagan sa rehiyon.”

Parami nang paraming Japanese ang naliligalig sa posibilidad ng digma, kabilang ang kabataan na maramihang lumahok sa protesta.

The post Libu-libong Japanese, nagprotesta laban sa mapandigma at maka-US na patakaran ng gubyernong Takaichi appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.