Pinagbantaan at ginulpi ng mga sundalo ng 79th IB ang isang matandang magsasaka at dalawang magkapatid na lalaki sa Barangay Paitan, Escalante City, Negros Occidental noong Marso 9 at 11. Napagdiskitahan sila ng mga sundalo matapos hindi sumagot sa mga tanong ng militar tungkol sa inaroroonan ng Bagong Hukbong Bayan (BHB).

Noong Marso 9, tinakot at tinutukan ng baril ng mga mga sundalo ang matandang magsasaka na si Jose Carbaquel sa Sityo Moncada. Bago nito, tumanggi siyang sagutin ang tanong ng mga sundalo kung nakakita siya ng Pulang mandirigma habang nagtatrabaho sa asyenda.

Noong Marso 11, hinampas sa ulo at tinakot ng mga sundalo ang magkapatid na sina Oliver at Joven Tingga sa Sityo Tabunok. Pinagdiskitahan ang dalawa ng mga sundalo dahil hindi nila nasagot ang tanong kung sino ang sangkot sa pagpatay kay alyas Buboy Carsona.

Si Carsona ay pinatawan ng parusang kamatayan ng BHB-Northern Negros (Roselyn Jean Pelle Command) sa Sityo Cagayon 1 noong Marso 4. Ayon sa hukbong bayan, pagpapatupad ito sa desisyon ng Hukumang Bayan ng Demokratikong Gubyernong Bayan sa erya na nagbaba ng hatol ng pagkakasala kay si Carsona sa kasong pagpatay sa sibilyang si Martino Fuentes Jr noong 2024.

Si Fuentes ay naiulat na sinaksak sa tiyan na dahilan ng kanyang pagkamatay. Sa taong iyon, ikinulong ng mga pulis si Carsona ngunit kaagad ding pinalaya sa pagdadahilang myembro ng BHB si Fuentes kaya walang mali sa ginawang pagpatay.

Ayon kay Ka Cecil Estrella, matagal nang panawagan ng masang magsasaka sa Escalante City ang hustisya para kay Fuentes. “Ipinamalas ng aksyon ang patas at mabilis na hustisyang hinihiling ng masa, na lubhang taliwas sa korap at tinatawag na ‘bulag’ na sistema sa hustisya ng reaksyunaryong estado,” pahayag ni Estrella.

The post Matanda, magkapatid, tinakot at ginulpi ng 79th IB sa Negros Occidental appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.