Mariing kinundena ng Defend Southern Tagalog (ST) ang tangkang pagdeklara sa mga progresibong lider ng Southern Tagalog bilang persona non grata (PNG) sa Bacoor City, Cavite.

Pinipilit ng National Task Force-Elcac at Task Force Ugnay (TFU) ang konseho ng syudad na maglabas ng resolusyon para ideklarang PNG sina Jeverlyn Seguin, dating ikalawang pangkalahatang kalihim ng KASAMA-TK; Aries Soledad, koordineytor ng Pamalakaya-Cavite; Paolo Tarra, koordineytor ng Coalition of Concerned Lasalians; at si John Peter Angelo “Jpeg” Garcia, dating tagapangulo ng Youth Advocates for Peace and Justice-UPLB at ikatlong nominado ng Kabataan Partylist noong eleksyon 2025. Upang makaiwas sa potensyal na ligal na pananagutan at epekto sa magiging reputasyon ng syudad, hindi itinuloy ng konseho ang resolusyon. Ayon sa Defend ST, itinutulak din ng TFU ang ilang konseho sa bayan ng Cavite at Laguna na ideklarang PNG ang naturang mga aktibista.

“Ang pagsisikap na magdeklara ng persona non grata ay hindi pamamahala. Ito ay pulitikal na panggigipit na nagpapanggap na bilang pagpapasa ng batas. Ito ay isang pagtatangka na gawing polisiya ang red-tagging sa pamamagitang ng pagpasa ng lokal na resolusyon,” paliwanag ng grupo.

“Nagsisimula ito sa pagbabanta. Sinusundan ng panggigipit at intimidasyon. Pagkatapos ay Red-tagging at gawa-gawang kaso. Nauuwi sa pagkakakulong, at sa pinakamasahol ay pagdukot o pagpaslang. Ganito rin ang naging umpisa bago paslangin ang mga biktima ng Bloody Sunday massacre sa rehiyon na maglilimang taon na ang nakalipas,” pahayag ni Seguin. “Kung may tunay na dapat ideklarang persona non grata ng mamamayan, ito ay ang AFP at ang NTF-Elcac na paulit ulit na ginagamit ang kapangyarihan at pondo ng taumbayan upang supilin ang mismong mamamayan na dapat nilang pinaglilingkuran.”

Ang Cavite ay kasalukuyang nakapailalim sa de facto martial law sa pamamahala ng Task Force Ugnay, 202nd IBde at 2nd ID. Simula Disyembre 2023, daan-daang sundalo ang ipinakat sa mga komunidad ng mga magsasaka, mangingisda at maralitang lunsod upang maghasik ng takot at palayasin sila sa kanilang lupang kinatitirikan at mabigyang daan ang mga dambuhalang proyekto sa Cavite. Kabilang sa pinailalim sa militarisasyon ng Lupang Ramos na pinakatan ng 2nd CMO ng TFU at “Bagwis Company”, at Lupang Tartaria na pinakatan ng 1st Bagsik Platoon at 2nd CMO.

Mula 2024 hanggang 2025, naitala sa prubinsya ang humigit kumulang 300 na kaso ng paglabag sa sibil at pampulitikang karapatan ng mamamayan. Kabilang dito ang iba’t ibang anyo ng pagbabanta, pananakot, surbeylans at pandarahas sa mga komunidad at lider aktibista sa rehiyon.

Noong Marso 6, naghain ng reklamo sa Commission on Human Rights sina Seguin, Tarra, Soldedad at Garcia, hinggil sa umiigting na atake sa mga aktbista at walang patid na Red-tagging, pangigipit at pananakot, kasama sa online. Kasabay ng paghahain ng reklamo ay ang press conference upang gunitain ang ika-5 anibersaryo ng Bloody Sunday Massacre.

Nananawagan ang Defend ST sa lokal na gubyerno ng Bacoor na pormal na iatras o ibasura ang panukalang resolusyon para sa pagdedeklara sa mga aktibisata bilang PNG. Anito, dapat tugunan ng lokal na gubyerno ang pangangailangan ng kanyang mamamamayan kabilang ang pagresolba sa kanilang isyu, tulad ng proyektong coastal reclamation, kabuhayan ng mga mangingisda at kawalan ng seguridad sa paninirahan ng mga maralitang pamilya.

The post Tangkang pagdeklara sa mga akbista na “persona non grata” sa Bacoor, Cavite, kinundena appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.