Nagdulot ng matinding pangamba sa mamamayan ng Nueva Viscaya nang lumabas sa social media ang sulat mula sa Community Environement and Natural Resources (CENR) Office sa Region 2 na nagpapaabot sa mga upisyal ng lokal na gubyerno na nagbigay ng permit sa eksplorasyon ang ahensya para sa dalawang kumpanya sa pagmimina noong Marso 2. Agad itong sinalubong ng malawakang pagkundena. Kinabukasan, napilitang maglabas ng sulat ang ahensya na naglilinaw na “hindi pa aprubado” ang permit sa eksplorasyon ng naturang mga kumpanya.
Isa sa mga kumpanyang ito ang Kalinga Mineral Resources Corporation na planong magmina sa 8,747 ektaryang lupain na sakop ng mga bayan ng Kayapa, Bambang at Aritao. Isa pa ang DML Mineral Resources Corporation na balak magmina sa 14,470 ektaryang lupain sa bayan ng Aritao, Dupax del Sur at Dupax del Norte.
Noong Marso 3, naglabas ng kautusan si Meyor Benjamin Cuaresma III ng Bambag para sa agarang inspeksyon sa apektadong mga erya. Nagpahayag din siya na hindi pahihintulutan ng kanyang upisina ang pagmimina sa kanilang bayan. Samantala, naglabas ng pahayag ang munisipyo ng Aritao na nagtatanggol sa patakarang kontra mina ng kanilang bayan,
Bago nito, una nang naglabas ng resolusyon ang bayan ng Bayombong at Santa Fe ng hindi pagpapahintulot ng pagmimina sa kanilang lugar. Gayundin, mayorya ng myembro ng League of Municipalities-Nueva Viscaya ay naglabas ng resolusyon laban sa eksplorasyon at pagmimina sa kani-kanilang bayan sa hinaharap.
Sa kabila ng pahayag ng pag-atras ng CENR sa permit para sa eksplorasyon ng dalawang kumpanya, nanindigan ang mamamayan ng Nueva Viscaya na mananatili silang mapagbantay sa anumang tangka na magmina sa kanilang mga komunidad.
The post Mga panibagong permit para sa pagmimina sa Nueva Viscaya, napaatras dulot ng laban ng mamamayan appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

