Nagprotesta sa harap ng Department of Justice sa Manila ang grupong Defend Cagayan Valley Network noong Marso 6 upang ipanawagan ang agarang pagbasura sa gawa-gawang kasong kriminal laban sa mga aktibista at lider sa komunidad mula sa rehiyon. Kinundena nila ang pagturing sa mga aktibista, mga nagsusulong sa karapatang-tao at development worker bilang mga “kriminal.”

Anim na aktibista (tinaguriang “Cagayan Valley 6”) ang kasalukuyang kumakaharap sa gawa-gawang kaso. Ito ay sina Isabelo “Ka Buting” Adviento, lider pesante; Cita Managuelod, isang development worker; Agnes Mesina ng Makabayan Cagayan Valley; Deo Montesclaros, isang mamamahayag; Jackie Valencia, tagapagtanggol ng karapatang tao; at Walter Villegas, koordinator ng Kabataan Partylist sa rehiyon.

“Paulit-ulit na ginagamit ng gubyerno ang mga gawa-gawang kaso upang gipitin at patahimikin ang mga naninindigan para sa karapatan ng mga magsasaka at maralita,” paliwanag ni Ronnie Manalo, pangkalahatang kalihim ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) at tagapagsalita ng Tanggol Magsasaka.

Noong Marso 5, naghain ng sulat ang National Union of Peoples’ Lawyers (NUPL) sa Supreme Court Chief Justice, upang hingin ang tulong hinggil sa nagpapatuloy na banta sa buhay ni Atty. Ma. Catherine Dannug-Salucon. Si Salucon, nakabase sa Isabela, ay isa sa mga nagtatag ng NUPL. Siya rin ang kumakatawan sa mga detenidong pulitikal sa rehiyon at nagsisilbi sa Board of Directors ng Northern Dispatch.

Sa naturang liham, inuulat ni Salucon na nagpapatuloy ang banta sa kanyang buhay sa kabila ng protektado siya ng writ of amparo at habeas data. Aniya, may pulis sa Burgos Municipal Police Station na inutusan para imbestigahan siya at mangalap ng impormasyon hinggil sa kanyang mga aktibidad.

Kinatigan ng Korte Suprema ang petisyon ni Salucon para sa writ of amparo at habeas data noong Enero 23, 2018.

“Sa isang lipunan kung saan pinalalakas ang retorika ng red-tagging, lalo na sa konteksto ng mga batas laban sa terorismo, lalong lumalaki ang panganib sa buhay ng mga abugado, at lalong tumitindi ang epekto nito sa mga tagapagtanggol ng batas,” paliwanag ng NUPL.

Nananawagan din ang grupo sa Korte Suprema na magtatag ng mga pananggalang para sa mga abugado, tulad ng mas malinaw na mga proseso sa pagtugon sa mga banta at mga gabay sa Red-tagging o “guilt by association” sa korte.

The post Panggigipit sa mga abugado at aktibista sa Cagayan Valley, kinundena appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.