Inaresto sa pinagsanib na mga operasyon ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) noong Marso 11 ang 10 indibidwal kabilang ang konsultant ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) para sa Cordillera na si Gabriel Kennedy Bangibang. Bago ang naturang insidente, mayroong dalawang iba pang indibidwal na naunang inaresto ang mga pwersa ng estado ayon sa grupo sa karapatang-tao na Cordillera Human Rights Alliance (CHRA).

Ang 12 inaresto ay pinararatangang mga myembro at upisyal ng Komiteng Rehiyon ng Partido Komunista ng Pilipinas at Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa Ilocos-Cordillera. Ayon sa CHRA, lahat ng inaresto ay mga hindi armado at hindi kombatant.

Sa Tarlac City, pitong indibidwal kung saan kabilang si Bangibang ang inaresto sa isang bahay sa Barangay Baras-baras. Ayon sa mga pulis, kumahaharap ang pito sa mga kasong pagpatay, tangkang pagpatay, qualified trafficking at illegal possession of firearms and explosives.

Ayon sa ulat na natanggap ng CHRA, dumanas ng kalupitan at pang-aabuso sa kamay ng mga pulis at militar ang pito habang inaaresto. Pinaghahampas umano sila sa ulo, pinagsusuntok ang mukha at tiyan, at iningudngod sa sahig. Dagdag ng CHRA, ang mga kasong kinahaharap ng mga inaresto ay gawa-gawa lamang.

Binatikos rin ng CHRA ang Gubyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP) sa paglabag nito sa kasunduang Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (JASIG) na pinirmahan kasama ang NDFP noong Pebrero 24, 1995. Sa ilalim ng JASIG, ginagarantiya ang kaligtasan ng lahat ng mga sangkot sa usapang pangkapayapaan at ipinagbabawal ang sarbeylans at pag-aresto ng mga negosyador, konsultant at iba pang tauhan nito.

Noong 2013, inaresto na ng mga pulis si Bangibang sa Buguias, Benguet. Nakalaya siya noong Agosto 2016 at lumahok bilang konsultant para sa Cordillera at mga usapin kaugnay ng pambansang minorya sa negosasyong pangkapayapaan sa GRP.

Sa Quezon City, tatlong iba pa ang inaresto ng mga pwersa ng estado sa araw na iyon. Kabilang dito sina Jess Bungay Gamay at John Silverio Saligbon. Sa agarang pag-imbestiga ng mga grupo sa karapatang-tao at pamilya, napag-alamang “pinalaya” na ng mga pulis ang dalawa dahil sa kawalan ng kasong isinampa sa kanila.

Sa kabila nito, hindi matunton ng mga kaanak ang dalawa at ilang araw nang nawawala. Hinala ng CHRA na nasa kustodiya pa sila ng mga pwersa ng estado. Tumatanggi ang mga pulis at militar na pumirma sa isang “Inquiry into a Reported Disappeared Person’s Whereabouts Form.”

“Nararapat na tiyakin ang kanilang kaligtasan. Kailangang matiyak na sila ay nasa maayos na kalagayan at malaya sa anumang anyo ng karahasan, pamimilit, o pananakot,” pahayag ng CHRA. Kasama ang pamilya, nanawagan ang grupo sa mga pwersa ng estado na kaagad ilitaw ang dalawa at palayain mula sa detensyon.

Sa Kalinga, ang dalawang iba pang inaresto ng mga pulis at militar bago ang Marso 11 ay pinalalabas ng 5th ID na “sumurender” na sa gubyerno bilang mga dating Pulang mandirigma.

Ayon sa CHRA, dapat tiyakin ang kaligtasan ng lahat ng inaresto, igalang ang kanilang mga karapatan sa wastong proseso sa batas, itaguyod ang mga pamantayan sa internasyunal na makataong batas at iharap sa pamilya at piniling abugado ang mga ito.

The post Konsultant ng NDFP, 11 pang iba, inaresto ng pulis at militar; 2, nawawala appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.