Nanawagan ang grupong Piston para sa tuluy-tuloy na protesta hanggang welga laban sa kainutilan ng rehimeng Marcos na apulain ang krisis na dulot ng pagtaas ng presyo ng langis.

“Sobra na, tama na, welga na!” sigaw ng mga tsuper. “Ang kaya lang gawin ni Marcos ay makiusap sa Petron, Shell, at Caltex para sa ‘staggered’ o paunti-unting pagtaas. Pinipilit tayong magtipid, samantalang sina Marcos at ang gubyerno niya ay tuloy ang pagwawaldas sa pondo ng bayan.”

Bilang panimula, “back to back” na protesta ang inilunsad ng mga drayber, manggagawa, maralita at iba pa sa unang araw ng staggered” na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo noong Marso 10.

Sa halip na pakiusapan lamang ang mga kumpanya ng langis na dahan-dahanin ang pagtaas, dapat tanggalin ang VAT at excise tax sa langis para tuluyang pababain ang presyo, anito.

“Hindi sapat na excise tax lang ang tanggalin. Mas malaking pahirap ang VAT, na dahil porsyento ay tumataas din ang koleksyon habang tumataas ang presyo ng krudo,” ayon kay Mody Floranda, presidente ng Piston.

Sa taya ng grupo, hindi bababa sa ₱15 ang nakapatong na buwis sa kada litro ng diesel na binibili ng drayber (₱6 bilang excise tax at ₱9 bilang VAT). Sa kada araw na kumukonsumo ang mga dyip ng 30 litro, inaagaw ng estado ang ₱450 na kita na sana ng mga drayber at opereytor. Tumataginting na ₱13,950 ang nawawala sa kanila kada buwan dahil dito. Sapat-sapat itong batayan para humingi ng dagdag pasahe ang mga drayber at opereytor ng dyip.

Huling nagpatupad ng probisyonal na ₱1 na dagdag pasahe noong 2023. Ayon kay Floranda, mula noon, nadagdagan na ang presyo ng gasolina nang ₱33.60/litro at ang diesel nang ₱37.50/liter. Idagdag dito ang itinaas na ₱13/litro sa gasolina at ₱23/litro sa diesel na paunang taas ng presyo dahil sa agresyon ng US at Israel sa Iraq. Kung kukwentahin mula 2023, umabot na sa ₱60.50/litro ang nadagdag sa presyo ng langis.

“(D)ahil sa malaking epekto, mao-obliga na huminto (ang maraming drayber) sa pamamasada,” ayon ay Floranda.

Nakakabuhay na sahod

Samantala, giit ng mga manggagawa ang nakabubuhay na sahod sa gitna ng pagsirit ng presyo ng langis at mga bilihin.

“Dapat kagyat na itaas ang sahod ng mga manggagawa sa nakabubuhay na antas – ₱1200 Nationwide upang makaagapay …sa taas ng presyo ng bilihin,” ayon sa Kilusang Mayo Uno.

Para sa mga manggagawa, malaking dagok ang sobrang taas ng presyo ng langis sa buhay nila at ng kanilang pamilya na nasasadlak na sa gutom at kahirapan dahil sa napakababang sahod. Lalo pang pinagsasahol ng panukalang 4-day work week sa pribado at pampublikong sektor ang kalagayan nila, dahil tiyak na bababa pa lalo ang kanilang kita sa gitna ng krisis.

“Higit na nagiging makatwiran ngayon ang panawagan ng manggagawa’t mamamayan na tanggalin ang 12% Value Added Tax at excise tax sa langis na nagdadagdag ng ₱17 kada litro ng lahat ng produktong petrolyo,” ayon sa KMU. Kasabay nilang ipinanawagan ang pagbabasura sa Oil Deregulation Law na nabigay-laya sa mga kumpanya ng langis na walang pakundangang nagtataas ng kanilang mga presyo.

The post Welga, serye ng mga protesta, ikakasa laban sa walang habas na pagsirit ng presyo ng langis appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.