Naghain ng reklamo si Sarah Elago, kinatawan ng Gabriela Women’s Partylist (GWP), laban kay Atty. Ferdinand Topacio sa upisina ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) sa Pasig City noong Marso 12. Ito ay matapos magpahayag ng bastos na kwento si Topacio patungkol kay Elago sa kanyang programa sa istasyong DWIZ noong Marso 5.

Naglabas ng bastos na pahayag si Topacio habang ipinagtatanggol niya si Bong Suntay, kinatawan ng ika-4 na distrito ng Quezon City, na nahaharap din sa matinding kritisismo dahil sa mga bastos niyang pahayag patungkol sa artistang si Anne Curtis.

“Ang mga katulad niya (Topacio) ay hindi dapat hinahayang maging abogado kung ginagamit lamang ang propesyon upang mang-alipusta sa kababaihang lumalaban sa abuso at korapsyon,” paliwanag ni Elago. “Hindi na ito nakakagulat mula sa isang abogado kuno na may mahabang rekord sa pang-reredtag at pambabastos sa kababaihan.”

Tinawag nina Renee Co, kinatawan ng Kabataan Partylist, at Antonio Tinio, kinatawan ng ACT Teachers Partylist, ang pahayag ni Topacio bilang “panghaharas at pang-aabusong nakabihis-pormal at may tinapos na abugasya.” Nanawagan rin ang House Committee on Women and Gender Equality sa IBP na imbestigahan ang bastos na mga pahayag laban kay Elago.

Bago ang naturang insidente, kinundena din ng alyansa ng kababaihan na Gabriela at GWP ang bastos na pahayag ni Suntay sa panahon ng deliberasyon ng House Committe on Justice noong Marso 3. Gimamit ni Suntay na halimbawa ang kanyang “pantasya” bilang depensa sa mga pahayag ni Sara Duterte na nagbabanta sa buhay ni Ferdinand Marcos Jr at iba pa.

Ayon kay Liza Maza, dating kinatawan ng GWP at pangulo ng Koalisyong Makabayan, ang pagturing ni Suntay sa kababaihan bilang “parausan” ay malinaw na paglabag sa mga umiiral na batas gaya ng Magna Carta of Women at Safe Spaces Act, na nagtatakda sa estado bilang pangunahing tagapagtanggol ng karapatan ng kababaihan laban sa diskriminasyon at karahasan.

Ayon kay Elago, hindi dapat pinapayagan ang ganitong asal (ni Suntay), lalo na mula sa mga halal na upisyal na inaasahang magtaguyod ng respeto at dignidad sa pampublikong diskurso. Binigyang-diin niya na walang puwang sa pamamahala at paggawa ng polisiya ang pang-aalipusta at objectification sa kababaihan.

Ang mga pahayag ni Suntay ay salamin sa mas malawak na suliranin ng nakaugat na mababang pagtingin sa kababaihan sa lipunan, na nagpapababa sa dignidad at nagpapatibay ng mapanirang mga kaisipan tungkol sa kababaihan, ayon pa kay Elago.

The post Mga bastos na pahayag laban sa kababaihan, kinundena ng partido ng kababaihan appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.