Naglunsad ng protesta ang mga manggagawa ng Kowloon House West sa labas ng restawran sa West Avenue, Quezon City sa pangunguna ng Kowloon House West Chapter (KHWC) ng Genuine Labor Organization of Workers in Hotel, Restaurant, and Allied Industries-Kilusang Mayo Uno (Glowhrain-KMU) noong Marso 6. Binatikos nila ang napakababang alok ng dagdag sahod na nagresulta sa deadlock o hindi pag-usad ng negosasyon para sa collective bargaining agreement (CBA).
Tanging ₱10/araw ang inialok na dagdag sahod ng pamunuan ng restawran na Katipunan Food Services Inc. (KFSI) sa ika-anim na negosasyon noong Marso 4. Unang humiling ang unyon ng ₱50 arawang dagdag sahod ngunit nagkompromiso na ito at ibinaba ang hiling tungong ₱35/araw.
Binatikos ng unyon ang pagdadahilan ng KFSI na kaya mababa ang alok nito ay dahil nalulugi diumano ang kumpanya. Anito, kung ibabatay lamang sa produksyon ng tatlong produkto ng kumpanya na siopao, siomai at wanton ay kumita ang KFSI ng ₱25 milyon sa loob ng dalawang taon at may kapasidad pang magpatayo ng mga bagong outlet.
Inirereklamo rin ng mga manggagagawa ang hindi pagsunod ng kumpanya sa mga napagkasunduang dagdag sahod sa mga nakaraang CBA. Tinatayang umabot na sa ₱5.5 milyon ang kabuuang halaga ng sahod na hindi ibinigay sa mga manggagawa sa loob ng tatlong taon.
Maliban dito, umabot sa humigit-kumulang na kalahating milyong piso ang kabuuang halaga ng service charge para sa unyon ang hindi ibinigay ng KFSI sa loob ng tatlong taon. Tumatanggi rin ang kumpanya na ilabas ang mga ulat pinansyal nito sa tabing ng “hidwaan sa pamunuan” o pag-aaway ng mga anak at kapatid ng namatay na may-ari ng kumpanya.
Noon pang Agosto 2025 dapat nagsimula ang mga negosasyon para sa bagong CBA sa pagitan ng unyon at pamunuan ng KFSI. Upisyal na sinimulan lamang ito noong Enero nang naigiit ng mga manggagawa sa walang tigil na mga protesta.
Mula noong 2025, dumanas ng panunupil ang unyon at mga manggagawa mula sa pamunuan ng KFSI. Nagpataw ito ng sunod-sunod na mga kaso at parusa o sangsyon laban sa mga myembro at upisyal ng unyon. Nilabanan ito ng mga manggagawa sa pagsampa ng mga pormal na kaso sa Department of Labor and Employment at mga kilos-protesta.
“Ang deklarasyon ng deadlock ay nagpapakita ng malinaw na tunggalian ng uring manggagawa sa mapagsamantalang kapitalista,” pahayag ng KHWC-Glowhrain-KMU. Determinado ang unyon na ipagpatuloy ang kanilang pakikibaka para sa dagdag sahod, benepisyo at iba pang karapatan sa paggawa.
Samantala, nagpakita ng suporta at dumalo sa protesta ng mga manggagawa ang tagapangulo ng KMU na si Ka Jerome Adonis. Naglabas rin ng pahayag ng pagsuporta sa laban ng unyon ang Wyeth Philippines Progressive Workers Union, bahagi ng pederasyong Drug Foods and Allied Workers Federation ng KMU.
The post Mga manggagawa sa isang restawran sa Quezon City, nagprotesta sa deadlock sa CBA appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

