Itinatag kamakailan ng mga kabataan sa Northern Negros ang balangay ng kanilang rebolusyonaryong organisasyon na Kabataang Makabayan (KM). Ang pagkakatatag nito ay bahagi ng pagpupursige nila na dalhin ang digmang bayan sa mas mataas na antas sa saklaw ng erya.
Ang bagong tatag na balangay ng KM sa Northern Negros ay ipinangalan kay Kasamang Emaren Pastidio bilang pagpaparangal sa kanyang kabayanihan. Si Pastidio o Ka Jandy para sa mga kasama at masang kanyang pinagsilbihan ay isang babaeng Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Northern Negros (Roselyn Jean Pelle Command). Namartir siya sa isang labanan sa 79th IB sa Sityo Mansulao, Barangay Pinapugasan, Escalante City, Negros Occidental noong Pebrero 21, 2024.
Sa batang edad ay namulat na si Pastidio sa pagsusulong ng rebolusyon at pakikibakang bayan dahil bahagi ang kanyang pamilya ng kilusan. Ang kabuhayan nila sa pagsasaka bilang panggitnang magsasaka ay bunga ng pakikibaka sa erya.
Naging aktibong bahagi si Pastidio ng organisasyong pangkultura na Teatro Obrero at dito higit pang napalalim ang kanyang pag-unawa sa kalagayan ng lipunang Pilipino. Noong 2018, dinakip ang noo’y 22 taong gulang na si Pastidio at isa pang kasama sa San Carlos City ng 79th IB. Dinala sila sa hedkwarters ng batalyon at doon ipinailalim sa matinding tortyur at interogasyon. Nakalaya ang dalawa sa paggigiit ng pamilya at mga grupo sa karapatang-tao.
Dahil sa dinanas na kalupitan ng militar, sumapi sa BHB si Pastidio. Ayon sa BHB-Northern Negros, malaki ang naging ambag niya sa pagbubukas sa mga erya sa Don Salvador Benedicto at San Carlos City.
Noong Enero 2021, muling dumanas ng kalupitan sa kamay ng 79th IB si Pastidio. Habang naka-medical leave at nag-aalaga sa kanyang sanggol na si Baby Marx Cairo, natunton ng kaaway siya sa Talisay City. Dinukot, tinortyur at ginahasa si Pastidio ng mga sundalo sa loob ng 10 araw bago nakatakas at nareskyu ng hukbong bayan. Samantala, ang kanyang sanggol ay kinuha ng militar at ng National Task Force-Elcac at mula noon ay ginawang hosteyds para pasukuin siya at ang kanyang asawa.
Ayon sa KM-Northern Negros, sa kabila ng mga dinanas ni Pastidio ay nagpatuloy siya sa pagsisilbi sa masang magsasaka at manggagawang-bukid sa hilagang Negros hanggang siya ay namatay sa isang engkwentro.
Ayon sa KM, sampal ang pagtatayo ng balangay sa ngalan ni Ka Jandy sa paulit-ulit na paggamit ng 79th IB sa kaniyang pagka-martir bilang panghambog sa kanilang nakamit na “tagumpay.” Panata ng grupo na ipagpapatuloy ng mga bagong henerasyon ng rebolusyonaryong kabataan ang kanyang nasimulan.
Pagbati sa pagkakatatag
Nagpaabot ng pagbati ang dalawang balangay ng KM na nakabase sa Metro Manila sa pagkakatatag ng KM-Northern Negros.
Ayon sa KM-Kris Montañez, sa pagkatatag ng balangay ay napatunayang hindi kailanman maililibing sa lupa ang diwa ng mga martir ng sambayanan katulad ni Ka Jandy. “Ang tagumpay nila ang siyang magsisibol muli sa mga panibagong tipo ng mga rebolusyonaryong wawasak sa naghaharing uri at mga kasangkapang instrumento ng pasismo,” anito.
“Sa pagkatatag ng balangay na ito, mas pinatitibay ang hanay ng kabataang handang tumindig laban sa pasismo, pyudalismo, at imperyalismo,” pahayag ng KM-John Paul Calica.
Kapwa sila nanawagan sa KM-Northern Negros na patuloy na magparami at paglakas ng hanay at isulong ang militanteng tradisyon ng KM.
The post Balangay ng Kabataang Makabayan, itinatag sa Northern Negros appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

