Naigiit ng mga manggagawa at ng Nexperia Philippines Inc. Workers Union (NPIWU-NAFLU-KMU) sa pamunuan ng Nexperia na ibalik sa trabaho ang dalawang lider-unyonistang sinisante noong 2024. Upisyal na ibinalik sa trabaho ang bise presidente ng unyon na si Antonio Fajardo at kasapi ng Shop Steward Council na si Marvel Marquez noong Marso 9.
Ang dalawang lider ay kabilang sa apat na mga lider ng unyon na magkakasabay na sinisante noong Disyembre 17, 2024. Ang pagsisante ay itinuring ng unyon na ganti ng kapitalista kasunod ng pagsasampa ng mga manggagawa ng “notice of strike” noong Disyembre 10, 2024 dulot ng isang taon nang pag-antala ng kumpanya at deadlock sa negosasyon para sa bagong collective bargaining agreement (CBA). Ayon sa mga manggagawa, ang pagsisante ay tahasang union busting o pambubuwag ng unyon.
Ginamit ng kapitalista ang paratang na “pagharang” sa paglabas-masok ng mga produkto sa kumpanya para tanggalin sila. Taliwas dito, ang mga upisyal ay simpleng nagbibigay ng apdeyt sa mga myembro hinggil sa mga isyung may kinalaman sa CBA sa panahong sinasabi ng Nexperia.
Ang pagtanggal sa apat na lider ng unyon ay kabilang sa mga naging batayan ng paglulunsad ng welga ng mga manggagawa ng Nexperia noong Marso 2025. Naitulak noon ng 74-oras na welga (Marso 5-8, 2025), ang pagbalik sa trabaho ng pangulo ng unyon at isa pang lider, dagdag-sahod, at iba pang karapatan sa paggawa sa negosasyon sa CBA.
Ayon sa NPIWU, pinatunayan ng kanilang laban para ibalik sa trabaho ang mga sinisante na ang solidong pagkakaisa ng mga manggagawa ang pinakamabisang sandata para ipagtanggol at ipanalo ang mga karapatan sa paggawa. “Ang pagbabalik kina Tonyo at Marvel ay konkretong bunga ng sama-samang pakikibaka,” pahayag nito.
Gayunman, ipinahayag ng unyon na hindi pa tapos ang kanilang laban para sa karapatan sa paggawa laluna at hindi pa ganap na tapos ang CBA 2024-2026 dahil hindi pa ito napipirmahan. Binatikos rin nito ang iba’t ibang porma ng tanggalan at ang pagpapaigting ng pleksibilisasyon sa paggawa.
Naghahanda na ring muli ang unyon dahil papasok na sila sa bagong negosasyon para sa CBA 2027-2029. “Kapulutan natin ng aral ang tagumpay ng ating welga,” anito.
Ang Nexperia Philippines ay subsidyaryo ng kumpanyang Nexperia na nakabase sa The Netherlands. Nagmamanupaktura ito ng mga semiconductor sa mga pabrika nito sa Europe, Asia at US. Ang pabrika nito ay nasa economic zone o engklabo na Light Industry and Science Park (LISP) 1 sa Cabuyao City, Laguna.
The post 2 lider-unyonistang sinisante ng Nexperia, naigiit na ibalik sa trabaho appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

