Nagsagawa ng armadong aksyon ang Bagong Hukbong Bayan (BHB)-South Central Negros (Romeo Nanta Command) laban sa W.D Anglo Agri Farm, isang mapang-abusong kumpanya sa agrikultura sa Himamaylan City, Negros Occidental noong Marso 8. Ang kumpanyang ay pag-aari ni Wilfred D. Anglo, at matatagpuan sa Hacienda Baling, Barangay Libacao.
Pinaralisa at sinunog ng yunit ng BHB-South Central Negros ang tatlong traktora, isang crane at isang backhoe ng kumpanya. Tinatayang aabot sa ₱30-₱40 milyon ang kabuuang danyos ng mga kagamitan sa produksyong pinaralisa ng BHB.
Ayon kay Ka Dionesio Magbuelas, tagapagsalita ng yunit ng hukbong bayan, ipinatupad ng BHB ang sangsyon dahil sa patung-patong na mga kaso ng pang-aabuso at pagsasamantala ng kumpanya sa mga manggagawang-bukid. Aniya, napakababa ng bayad sa mga trabahador habang nagpapakasasa sa marangyang buhay ni Anglo.
Nakapailalim sa sistemang pakyaw ang mga trabahante ng kumpanya. Umaabot lamang sa ₱2,400 kada ektarya ang bayad para sa hilamon (weeding), ₱930 kada laksa (katumbas ng 10,000 tangkay ng tubo) ang patdan o pagtatanim, ₱220 kada tonelada sa pagtatapas, at ₱3 sa kamada (stacking).
Ayon kay Magbuelas, malayong mababa sa nakabubuhay na antas ang minimum na arawang sahod sa Negros Occidental (₱520) at Negros Oriental (₱500) ng mga manggagawa sa agrikultura. Mas mababa pa ang pasahod ni Anglo. Dagdag ni Magbuelas, ang pasahod ni Anglo ay nasa rurok ng pyudal na kasamaan na higit na magsasadlak sa mga manggagawang-bukid sa buhay ng sistematikong kagutuman.
Ibinabaon rin umano ni Anglo sa patung-patong na utang ang mga manggagawang-bukid sa pagpapataw ng 10% lingguhang interes sa perang inuutang nila. Tinawag ni Magbuelas si Anglo bilang “mandaragit na usurero” sa laki ng ipinapataw na interes.
Ang pagpapataw ng sangsyon ng BHB-South Central Negros ay alinsunod sa pagpapatupad nito sa Rebolusyonaryong Gabay sa Reporma sa Lupa (RGRL), ang programa ng Partido Komunista ng Pilipinas at rebolusyonaryong kilusan sa kanayunan para sa mga magsasaka.
Ayon kay Magbuelas, ang sangsyon ay isang malinaw na babala sa mga burgesyang kumprador at despotikong mangangamkam ng lupa sa Negros. “Hanggang sila na nagpapakain sa bansa ay patuloy na nagugutom, magsisikap ang bawat Pulang mandirigma sa pagbubuwag sa malapyudal at malakolonyal na sistema sa bansa,” aniya.
The post Mapagsamantalang kumpanya sa agrikultura sa Negros Island, pinatawan ng sangsyon ng BHB appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

