Nakikiisa ang lahat ng balangay ng Makabayang Kilusan ng Bagong Kababaihan (MAKIBAKA) sa Eastern Visayas sa paggunita ngayong araw ng Pandaigdigang Araw ng Kababaihang Anakpawis. Matibay ang paninindigan ng rebolusyonaryong kababaihan sa rehiyon na sa pamamagitan lamang ng demokratikong rebolusyong bayan mahahawan ang landas tungo sa paglaho ng diskriminasyon batay sa ari at pagkatao.
Sa ibayong pagkabulok ng lipunan sa yugto ng imperyalismo, lalong tumitingkad kung paanong ang pang-aapi at pagsasamantala sa kababaihan ay mauugat sa tunggalian ng mga uri. Sa mga bansang neokolonyal tulad ng Pilipinas, kontrolado ng iilang naghaharing uri ang kaayusang ekonomya, pulitika at kultura—kabilang ang pyudal at burges na pananaw sa kababaihan—para panatilihin at palawakin pa ang kanilang pagkamal ng yaman.
Sa Eastern Visayas, 2.27 milyon o 49% ng populasyon ay kababaihan. Karamihan sa kanila ay labis na naghihirap, laluna ang mga manggagawa at magsasaka. Sila ang pinaka-pinagsasamantalahan sa ilalim ng sistemang malakolonyal at malapyudal.
Sa bawat sampung magsasakang may sariling lupa, tatlo lamang sa kanila ang babae. Pinakakaunti ang kababaihang may sariling lupa sa Northern Samar at Western Samar, na kabilang sa pinakamahihirap na prubinsya sa bansa. Dahil walang sariling lupa, napipilitan silang maging kasamá o magtrabaho bilang manggagawang-bukid. Lalo silang nagiging bulnerable sa pyudal at malapyudal na pang-aapi tulad ng mataas na upa sa lupa, mataas na usura, at mababang sahod. Mas matindi pa ang pagsasamantala sa kababaihang mangingisda, kung saan isang babae lamang sa bawat 25 lalaki ang may sariling kagamitan sa pangingisda.
Mababa naman ang partisipasyon sa paggawa ng kababaihang manggagawa. Noong 2020, habang may 1.08 milyong manggagawang lalaki, nasa 465,477 lamang ang babae. Karamihan nito ay sa sektor ng serbisyo at pagbebenta, at sa mga “elementary occupation” katulad ng pagiging tagalinis, labandera, manininda sa bangketa at manggagawang-bukid. Mga trabaho ito na mababa ang kinakailangang kasanayan, mababa magpasahod, at hindi permanente.
Ang kakulangan at mababang kalidad ng empleyo ng kababaihan ay pinalalala ng limitado nilang oportunidad sa edukasyon. Nasasalamin ito ng 87.3% na literacy rate ng kababaihan sa Eastern Visayas, pinakamababa sa lahat ng rehiyon sa bansa. Ikaanim ang rehiyon sa may pinakamataas na bilang ng kababaihang hindi nakapagbabasa.
Hindi nakapagtataka na lubog sa kahirapan ang kababaihan. Tinatayang nasa 664,000 babae sa rehiyon ang mahirap, na katumbas ng 27.9% na tantos ng kahirapan. Sila rin ang inaasahang sumuporta sa 713,000 na kabataang mahihirap, ikaapat na pinakamarami sa lahat ng rehiyon sa bansa.
Hindi na mawari ng kababaihan kung paano pa nila pagkakasyahin ang napakababang kita sa harap ng mabilis na tumataas ang presyo ng mga bilihin. Nitong Enero, halos dumoble ang tantos ng implasyon sa Eastern Visayas patungong 2.5% mula 1.4% noong Disyembre 2025. Samantala, sa Hunyo pa matatamo ng mga manggagawa sa pribadong sektor ang kakarampot na ₱35 na umento sa sahod. Kahit na maipatupad na ito, aabot lang sa ₱470 ang arawang sahod sa rehiyon.
Ang labis-labis na pang-aapi at pagsasamantala sa masang anakpawis, laluna sa kababaihan, ay nagtutulak sa kanila para makibaka para sa kanilang mga karapatan, kamtin ang hustisya at tunay na kalayaan. Sa kanayunan, patuloy silang nagpupunyagi sa landas ng digmang bayan at sinusuportahan ang Bagong Hukbong Bayan (BHB). Kumakawala sila sa hawlang itinakda ng lipunan at iginigiit ang kanilang katayuan bilang makapangyarihang pwersa ng pagbabago sa pamamagitan ng pag-organisa at paglahok sa mga samahang magsasaka, kababaihan at kabataan. Ang pinakamahuhusay sa kanila ay direktang tumatangan ng armas para sumampa bilang buong-panahong Pulang mandirigma.
Pasismo at militarisasyon ang tugon ng estado ng naghaharing uri. Mula 2018-2025, naitala sa Eastern Visayas ang hindi bababa sa 88 kaso ng pag-abuso sa kababaihan, menor de edad at kabataan. Karamihan sa mga kaso ay pagpatay at tangkang pagpatay; kasunod ang iligal na pag-aresto, pagdukot at tortyur; at panggigipit at pananakot. Walang pakundangan ang pag-istraping ng mga pasistang sundalo sa kabahayan, kahit pa naroon ang matatanda at kabataang walang kalaban-laban. Dinudukot ang mga asawa at anak para gawing hostage at pasukuin ang mga kasapi ng BHB. Ipinapataw ang “lockdown” sa buong mga baryo at sinisira ang buhay at kabuhayan ng buong komunidad.
Ang pandarahas at pang-aapi sa kababaihan sa Eastern Visayas ay hindi kaiba sa mga atake sa kababaihang anakpawis sa ibang panig ng mundo. Duguan ang kamay ng imperyalismong US sa pagpapasiklab ng gyera sa mga mamamayang naggigiit ng kanilang soberanya, pinakatampok kamakailan ang sa Iran, Venezuela, at Palestine. Kinundena ng buong mundo ang walang pakundangang pambobomba ng US at ng Zionistang Israel sa isang paaralan sa Iran upang paslangin ang 200 kabataang babae. Ngunit imbis na mapasuko ang Iran, lalo lang nitong pinaliyab ang diwang mapanlaban ng mga Iranian at ng malawak na mamamayan sa buong mundo upang makibaka laban sa imperyalistang mandaragit.
Tulad ng pag-atake sa Iran, ang pandarahas, pang-aapi at pagsasamantala sa kababaihang Pilipino ay bigong supilin ang kanilang rebolusyonaryong paglaban, at sa halip ay lalo lang itong pinapaypayan. Lalupa’t inilulunsad nito ang kilusang pagwawasto sa pamumuno ng Partido, napakaborable ng kasalukuyang kalagayan para muling makapagpalakas ang kilusang pagpapalaya ng kababaihan sa balangkas ng demokratikong rebolusyong bayan. Handa ang lahat ng balangay ng MAKIBAKA sa Eastern Visayas na ipatupad ang mga tungkulin alinsunod nito, dalhin ang digmang bayan sa ganap na tagumpay, at simulan ang sosyalistang konstruksyon tungo sa pagwakas sa mga uri.
Mabuhay ang rebolusyonaryong kababaihan!
Mabuhay ang rebolusyong Pilipino!
Kababaihan, palayain ang sarili, sumapi sa Bagong Hukbong Bayan at baguhin ang lipunan!
The post Kababaihan, labanan ang imperyalismo, ipaglaban ang karapatan, katarungan at tunay na kalayaan! appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

