Pinagpugayan at pinarangalan ng rebolusyonaryong kilusan sa Camarines Norte at buong rehiyong Bicol si Roberto delos Santos (Ka Bogs) na nag-aalay ng buhay para sa masang Pilipino. Si delos Santos ay namatay sa labanan ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Camarines Norte (Armando Catapia Command) at ng 902nd IBde sa Barangay Culasi, Mercedes, Camarines Norte noong Pebrero 10.
Sa pahayag ng BHB-Camarines Norte, inihambing nito ang halaga ng buhay ni delos Santos sa bigat ng mga bundok ng prubinsya. Anito, ang halaga ng kanyang buhay ay nakakintal sa nagdadalamhating puso ng mamamayang api sa prubinsya na nagpupuyos rin sa galit sa mga pasista at taksil sa rebolusyon.
“Nagkamali si Maj. Gen Alwine Almase ng 9th ID sa pag-aakalang magiging katapusan na ito ng Bagong Hukbong Bayan at ng paglaban ng sambayanan sa rehiyon,” pahayag ng yunit. Anito, malayo sa katotohanan ang mga pahayag ng militar na malalansag na ang mga larangang gerilya sa Camarines Norte dahil sa pagkasawi ni delos Santos.
Batay sa konstitusyon ng Partido Komunista ng Pilipinas, mayroong kaagad na makahahalili at tatangan sa mga gawian ni delos Santos bilang namumunong lider sa prubinsya at rehiyon. Nakahanda rin ang mga kumander ng BHB sa prubinsya na tanganan ang naiwanang armas ni delos Santos.
Ayon sa BHB-Camarines Norte, malaking sampal sa mga upisyal militar ng 9th ID ang pagkamartir ni delos Santos laluna at ilang ulit siyang pinilit na pasukuin sa panggigipit sa kanyang mga magulang at pamilya. “Imbes na sumuko, nanatili siyang matapat sa masa at rebolusyon at dito ibinigay ang kanyang buong husay at lakas, maging ang kanyang kaisa-isang buhay,” pahayag ng BHB-Camarines Norte.
Hinamon ng pamprubinsyang kumand ang mga rebolusyonaryong pwersa sa Camarines Norte at Bicol na gamitin ang pagkakataon para pagtibayin ang kapasyahang sumulong. “Magsilbing inspirasyon ang katapatan ni Ka Bogs sa rebolusyon hanggang sa kanyang huling hininga!” pahayag ng yunit.
The post Namartir na namumunong lider ng Partido at BHB sa Bicol, pinarangalan appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

