Nagprotesta ang United Filipinos in Hong Kong (Unifil-HK) sa harap ng konsulado ng Pilipinas sa Hong Kong noong Marso 1 upang kundenahin ang 400% pagtaas ng singil para sa verification fee ng Migrant Workers Office.
Sa araw na iyun, itinaas na ang singil sa verification fee mula sa HK$80 (P595) tungo HK$320 (P2,380). Ang “verification fee” ang nagpapatunay na ang kontrata sa trabaho na nakuha ng migranteng manggagawa ay nakaayon sa batas sa paggawa at imigrasyon ng gubyerno ng Hong Kong. Saklaw ng pagtaas ng bayarin ang kontrata sa trabaho para sa bagong sampang manggagawa. Bagamat ang employer ang magbabayad sa naturang bayarin, kadalasan nilang ibinabawas ito sa sahod ng manggagawa.
Sa kasalukuyan, nasa 190,000 hanggang 200,000 na Pilipinong migranteng manggagawa ang nasa Hong Kong, mayorya sa kanila ay nagtatrabaho nilang kasambahay. Nasa 55-57% ng mga migranteng kasambahay sa teritoryo ay mga Pilipino.
“Maliwanag pa sa sikat ng araw na isa na naman itong porma ng pangongotong. Wala na talagang pakundandangan ang gubyernong Marcos Jr sa pagturing sa mga OFW bilang negosyo, imbes na bigyan ng maayos na proteksyon at pagbutihin ang serbisyo sa mga OFW,” pahayag ng grupo.
Ayon sa grupo, walang malinaw na dahilan ang MWO para magtaas ng singil, gayong lumaki ang budget ng Department of Migrant Workers ngayong taon. Hindi rin kinonsulta ng ahensya ang mga migrante hinggil sa bagong polisiya.
“Para tayong binusuhan ng asin sa sugat, lalo na at hindi pa napapanagot ang lahat ng sangkot sa malalang korapsyon sa bansa,” dagdag ng grupo.
“Hindi tayo mananahimik lang sa panibagong pangingikil na ito. Magroprotesta tayo hanggang sa ito at iba pang sapilitang bayarin ng gubyerno ay maibasura,” pagtatapos ng grupo.
The post Pagtaas ng singil sa verification fee ng MWO, kinundena ng mga Pilipinong migrante sa Hong Kong appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

