Sa pagpirma ni Ferdinand Marcos Jr. sa Pax Silica—isang panibagong kasunduang inilako ng imperyalismong US para sa mapandambong na mina—lalo nitong isasadlak ang masang Mindoreño sa ibayong kahirapan. Dapat magkaisa ang mga Mindoreño at maghanda para militanteng labanan ang panganib ng pagpapatindi ng pagmimina sa bansa at ipagtanggol ang lupa at likas-yaman ng isla.
Inilalako ng kasunduang Pax Silica ang pagpapataas ng kakayahan ng Pilipinas na magproseso ng mga yamang mineral, partikular ng nickel, copper at mga rare earth minerals. Pag-igpaw diumano ito sa dating kalakaran na agad iniluluwas ng bansa ang mga hilaw na materyales. Sa isang tingin, mistulang pag-angat ito sa kakayahan ng industriya ng bansa na magluwas ng naiprosesong produktong metal sa halip na iluwas bilang mga hilaw na metal (ores).
Layunin ng Pax Silica ang pagtitiyak ng suplay na materyales na kailangan sa Artificial Intelligence (AI), robotics at makabagong teknolohiya. Kasama sa alyansang Pax Silica ang mga alyadong bansa ng US na Japan, South Korea, Singapore, Uniter Kingdom, Australia, Israel, Netherlands, United Arab Emirates at Qatar. Sa pagbubuo ng alyansa, nais nilang tapatan ang dominasyon ng Tsina na tinatayang 90% ang kontrol sa pag-proseso ng rare earth minerals ng daigdig.
Kinakaladkad ng US ang Pipilinas sa alyansang ito hindi upang likhain ang sarili nating kakayahan sa AI, robotics o makabagong teknolohiya. Sa halip, maniobra ito ng US upang makontrol ang pinagmumulan ng kinakailangan nilang mineral, at monopolisahin ang pag-proseso at pagbebenta sa yamang mineral ng Pilipinas. Sa umiinit na kumpetensyahan ng mga bloke ng monopolyo kapitalistang bansa, nais nilang ipagkait sa China ang rare earth minerals ng Pilipinas kung kaya isinali ang bansa sa alyansang ito. Buong buo naman itong pinapayagan ni Marcos Jr. at halos ipamigay na sa US nang libre ang Pilipinas kapalit ng patuloy na pag-suporta ng US sa kanyang rehimen at pabuya sa mga burukrata, at burgesya komprador-asenderong kroni at kasapakat ni Marcos. Ang tagibang at di pantay ang katayuan ng Pilipinas sa loob ng Pax Silica ay patunay lamang sa malakolonyang katayuan nito at pangangayupapa sa harap ng imperyalistang kapangyarihan.
Kailangang maging malinaw na lalo lamang wawasakin ng Pax Silica ang kakayahan ng bansa na itindig ang pambansang industriya. Kapital at teknolohiya ng malalaking kapitalistang bansa ang gagamitin mula sa extraction, transportasyon at pagproseso ng makukuha nilang yamang mineral at metal. Dagdag pa na bahagya lamang ang oportunidad sa trabaho na ibubukas nito dahil semi-processed lamang ang itatayong mga planta sa bansa kaya ang produkto ay may mababang halagang naidagdag at murang maibebenta sa monopolyo-kapitalistang nakaabang sa mga mineral na ito.
Sa halip na pakinabang, perwisyo ang idudulot nito dahil tiyak na ang prosesong isasagawa sa bansa, bukod sa pagmimina (extraction), ay ang paglilinis o paghihiwalay ng komponente nito at pagtapon ng nakahalong basura sa mineral. Tayo na ang pinagkunan, sa atin pa maitatapon ang toxic waste at mine tailings na epekto ng pagmimina. Ang limpak na tubo para sa mga dayuhan ay katumbas ng pagkawasak at pagkasaid ng yamang dapat sana’y para sa taumbayan. Walang maiiwan para sa mamamayan kundi ang mga nakalbong kagubatan at kabundukan, nalasong mga ilog, katubigan at karagatan, polusyon sa hangin at nawasak na lupa at kabuhayan.
Sa estratehikong plano sa ekonomya ng rehimeng Marcos, itinakda ang Mindoro bilang isa sa mga sentro ng operasyon ng mina at kwari sa rehiyon ng MIMAROPA. Mula nang maupo si Marcos Jr. sa kapangyarihan, sunud-sunod ang pagpapatupad ng pro-mining na batas at hakbangin sa Mindoro. Pinakahuli ang pagbabasura ng Korte Suprema noong Mayo 14, 2025 sa moratorium sa mina ng Occidental Mindoro pabor sa kahilingan ng Agusan Petroleum and Mineral Corporation na pagmamay-ari ng malaking burgesyang kumprador (MBK) na si Ramon Ang. Samantala, kahit nananatili ang moratorium sa Oriental Mindoro, ibinalik ng Mines and Geosciences Bureau (MGB) ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang Mineral Production Sharing Agreement (MPSA) para sa Mindoro Nickel Project (MNP). Sa kabuuan, umaabot sa 11, 315.41 ektarya ang sasaklawin ng MPSA ng MNP sa mga bayan ng Sablayan at Victoria.
Sa pagmimina ng nickel na karaniwang open pit ang pamamaraan, huhukayin ang lupang saklaw ng pagmimina. Kaakibat ang dislokayon ng mga pamayanan, masisira ang flora and fauna (lahat ng halaman at nabubuhay sa ibabaw ng lupang ito). Sa MNP, wawasakin nito ang Upper Amnay Watershed Region (UAWR), isang protektadong area ng NIPAS. Ang watershed na ito ang pinagmumulang ng ilog ng Amnay sa Occidental at mga ilog ng Aglubang, Ibolo at Buraboy na mga tributaryo ng Mag-asawang Tubig sa Oriental Mindoro. Sa eryang ito matatagpuan ang napakaraming endemic species kabilang ang endangered Tamaraw. Napakarami pang bukal, sapa, at sekundaryong mga ilog ang nasasaklawan nito na hitik sa likas na yaman. Maisasakripisyo ang kalikasang ito sa pagpasok ng MNP.
Bukod sa polusyon, palulubhain nito ang mga pagbaha, pagguho ng lupa at pinsala sa kabuhayan at panirikan ng masang Mindoreño. Nito lamang 2025, naranasan ng masang Mindoreño ang kalunos-lunos na kalagayan dulot ng hagupit ng magkakasunod na bagyong Opong, Tino, at Uwan na mauugat sa pagkawasak ng kalikasan. Ano pa kaya kapag todo-larga ang mga paghuhukay dahil sa pinatinding pagmimina?.
Kaakibat ng pagpapahigpit ng kontrol ng US sa ekonomya at yaman ng Pilipinas ang pinatinding militarisasyon sa isla ng Mindoro. Sa desperasyon ng US, kasabwat ang gubyerno ni Marcos Jr., na tiyakin ang kontrol sa mga yamang mineral na matatagpuan sa isla, higit lalong pagyurak sa mga karapatang pantao ng masang Mindoreño ang winawasiwas ng rehimeng US-Marcos II upang isulong ang pang-ekonomyang interes nito. Bukod sa pagkawasak ng kalikasan at pagkasira ng kabuhayan, tiyak na magiging mas mabagsik ang mga pasistang tropa ng AFP-PNP-CAFGU sa sapilitang pagpapalikas at pagpatay sa mga katutubong Mangyan at magsasaka na nakatira sa mga kabundukan na planong minahin at sa lahat ng mga magtatanggol sa kalikasan ng isla.
Habang nagkakaisa ang mga imperyalistang bansa sa panguguna ng US upang lalong makapandambong ng yaman ng Pilipinas sa kapinsalaan ng mamamayan, walang ibang masasaligan ang mga Mindoreño kundi ang kanilang nagkakaisang lakas upang tutulan at tuluyang mapaalis ang mga dayuhang kumpanya ng mina sa isla. Dapat ipagtanggol ng mga Mindoreño ang nakamit nilang tagumpay laban sa mina at iba pang mapangwasak na negosyo dahil sa masigla at militanteng kilusang masa noong nakaraang mga dekada. Hamon sa mga Mindoreño ngayon na buuin, itindig at isulong muli ang matikas na kilusang masa para sa pagtatanggol sa yaman ng isla, sa karapatan ng mamamayan na linangin ang mga ito para sa sariling kapakinabangan at sa kinabukasan ng susunod na mga henerasyon.
Nararapat na muling ipamalas ng masang Mindoreño ang kanilang tapang at suportahan ang armadong paglaban na pinangungunahan ng CPP-NPA-NDFP. Pinatunayan sa nakaraang mga dekada na armadong paglaban ang nagsilbing gulugod sa laban sa pagmimina. Aplikable pa rin ito ngayon. Ang kampanya laban sa dambuhala at mapangwasak na pagmimina ng mga dayuhan sa bansa ay gawing tuntungan upang makamit ng sambayanan ang tunay na kalayaan at demokrasya na magiging posible sa pagtatagumpay ng Demokratikong rebolusyong bayan (DRB). Sa programa ng DRB, maitatayo ang demokratikong gobyernong bayan na tunay na may malasakit sa kapakanan ng mamamayan at ibunsod ang sosyalistang transpormasyon ng lipunan upang dalhin ang Pilipinas sa tunay na kaunlaran at tamasahin ng mamamayan ang kasaganaan na iluluwal ng siyentipiko at demokratikong paggamit ng likas na yaman.
Mamamayang Mindoreño, bumangon muli at magkaisa laban sa mapaminsalang mina! Ipaglaban ang karapatan, lupa at kabuhayan!
Labanan ang mga maka-dayuhang patakaran ng rehimeng US-Marcos II!
Ipagtanggol ang isla ng Mindoro sa panghihimasok ng imperyalismong US!
The post Pax Silica: Panibagong banta sa lupa at kabuhayan ng masang Mindoreño appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

