Sa pangatlong pagkakataon, muling itinayo ng mga residente ng Dupax del Norte ang barikada laban sa Woggle Corporation sa Barangay Bitnong noong Pebrero 21. Ito ay para tiyakin na hindi tusong makapapasok ang kumpanya matapos isuspendi ang permit nito para magsagawa ng eksplorasyon sa barangay.

Noong Pebrero 5, bunga ng walang tigil na pakikipaglaban ng mamamayan, napilitan ang Mines and Geosciences Bureau (MGB) na ipag-utos ang pansamantalang suspensyon ng permit sa eksplorasyon ng kumpanya. Sa kabila nito, nagpatuloy ang aktibidad ng mga tauhan ng kumpanya hanggang sa inilabas na nito ang mga makina at mineral sample noong Pebrero 17.

Hanggang sa kasalukuyan, hindi pa rin inilalabas sa lugar ang mga ilang makina sa panghukay at mga tubong ginamit sa eksplorayon. Ayon sa mga residente, ang pagbabalik ng barikada ay nagsisilbing simbolo ng pagkakaisa ng komunidad sa pagtatanggol sa kanilang kapaligiran at karapatan.

Noong Pebrero 23, kasabay ng pagdinig ng Senate Committees on Local Government and on Environment, Natural Resources, and Climate Change para sa pagkansela ng permit ng Woggle Corporation, nagprotesta ang mga residente ng Dupax Del Norte, kasama ang mga grupong Kalikasan PNE, Defend Dupax Del Norte at iba’t ibang organisasyon sa tapat ng gusali ng Senado sa Pasay City.

Sa pagdinig, ipinahayag ng Legal Rights and Natural Resources Center (LRC) na ang ma-anomalyang pagbigay ng permit para sa eksplorasyon ng Woggle Corporation ng MGB ay nagpapakita ng mas malawak na sistematikong paglabag sa karapatan ng mamamayan na makonsulta o hingan ng permiso sa pamamagitan ng lokal na gubyerno. Ganito rin ang naging kaso sa pagrenew sa Financial or Technical Assistance Agreement (FTAA)ng OceanaGold sa bayan ng Kasibu sa Nueva Vizcaya.

“Sa Nueva Viscaya, mali na tinatrato ng pambansang ahensya ang rekisito na pagkonsulta sa mga residente bilang pormalidad lamang. Sa pagbigay ng karapatan para sa eksplorasyon sa Woggle at pag-renew ng FTAA No. 001 ng OceanaGold sa kabila ng aktibong pagtutol ng mamamayan dito, binabalewala ng gubyerno ang komunidad na direktang naapektuhan ng pagmimina, kabilang ang epekto nito sa kalusugan, katiyakan sa suplay ng tubig, agrikultura at kabuhayan,” pahayag ni Atty. Ryan Roset, Senior Legal Fellow ng LRC.

The post Laban sa Dupax del Norte, itinutuluy-tuloy ng mga residente para palayasin ang Woggle Corporation appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.