Matatag na naninindigan ang mga organisasyon sa ilalim ng International League of Peoples’ Struggle laban sa pinakahuling serye ng pambobomba ng US at Zionistang Israel sa Iran.

“Isa na naman itong lantarang agresyon ng imperyalismong US at mga Zionistang asong ulol nito laban sa isang nagsasariling bansa sa West Asia na nanindigan sa kanilang paghahari sa loob ng 47 taon,” pahayag nito noong Pebrero 28. Naganap ang pambobomba sa gitna ng negosasyon sa pagitan ng US at Iran kaugnay sa mga programang nukleyar ng huli. Binabraso ng US ang Iran na lusawin ang diumano’y programa nito para gumawa ng mga sandatang nukleyar, bagay na itinatanggi ng Iran.

Muling nagpaulan ng bomba ang mga Zionista sa Tehran noong umaga ng Pebrero 28. Tinamaan nito ang sibilyang mga istruktura at pasilidad. Sinundan itong ng pamboboma sa walo pang mga rehiyon ng bansa. Ayon sa Red Crescent, di bababa sa 200 na ang napatay sa mga pambobomba. Kabilang dito ang 108 na napatay nang bombahin ng US ang isang eskwelahan sa timog Iran. Ang mga bomba ay nagmula sa puu-puong mga base militar ng US sa Israel at iba pang bansa sa Middle East at isang barkong pandigma.

Isa sa mga pinatay ng pambobomba ng US si Ayatollah Ali Khamenei, ang supreme leader ng bansa, nang pinulbos ng mga bomba ang kanyang tirahan. Kasama niyang napatay ang kanyang mga kasama sa bahay at 40 pang mataas na upisyal ng bansa na noo’y nakatipon para maghanda sa panibagong serye ng negoasyon sa US.

“Ipinapakita nito na ginagamit ng US ang usapan para manlinlang at wala itong plano na makipagkasundo sa isang diplomatikong kasunduan sa Iran,” ayon sa ILPS.

Hegemonya sa Middle East

Tulad sa nakaraang taon, nagpapakalat ang US ng maling impormasyon para bigyan-katwiran ang kahindik-hindik nitong mga krimen. Isa sa mga ipinakakalat ng presidente ng US na si Donald Trump sa kanyang State of the Union Address noong — ang kasinungalingang may mga misayl ang Iran na kayang umabot sa US. Inuulit-ulit rin ni Trump ang kasinungalingan na may balak ang Iran na magprodyus ng mga armas nukleyar, bagay na mayroon ang US. Malaon nang gumagamit ang US ng ganitong uri ng mga kasinungalingan para bigyan-katwiran ang pananalakay sa mga independyenteng bansa sa Middle East.

Ginawa ang pambobomba sa gitna ng nagpapatuloy na henosidyo ng Zionistang Israel sa Palestine sa kabila ng tigil-putukan at pang-aatake ng mga pwersa nito sa Lebanon. Naganap din ito kasabay ng pagtatayo ng Trump ng kanyang “Board of Peace” na magpapailalim sa buong Gaza at Palestine sa kontrol ng US at Israel.

Walang patid na paglaban

Bilang pagdepensa sa sarili, nagpakawala ng daan-daang misayl at drone ang Iran na tumarget sa mga base militar ng Israel at mga base ng US sa buong Middle East. Naiulat na inabot ng mga ito ang hanggang 27 na base sa mga bansang UAE, Qatar, Bahrain, Kuwait, Jordan at iba pa.

Ang pagtarget ng Iran sa mga hedkwarters ng US/Israel ay inilarawan nitong isang “komprehensibong tugon” na mas mabilis, mas malakas, at mas malawak kaysa sa naging tugon nito noong 2025.

Mariing kinundena ng mga Iranian ang imperyalistang pang-aatake sa kanilang bansa, na tinawag nilang “isang malaking krimen” na ang layunin ay wasakin ang Iran para dambungin ang yamang langis nito. Nanawagan ang gubyerno dito ng kagyat na pagtigil ng agresyon ng US-Israel sa bansa.

The post Panibagong serye ng pambobomba ng US-Zionista sa Iran, kinundena appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.