Matamang sinubaybayan ng mamamayang Pilipino, laluna ng mga pamilya ng mga biktima ng huwad na gera kontra droga, ang pagdinig para sa kumpirmasyon ng mga sakdal kay Rodrigo Duterte sa Pre-Trial Chamber 1 International Criminal Court (ICC). Nagsimula ang pagdinig noong Pebrero 23 at nagtapos noong Pebrero 27.
Noong Pebrero 23, nagkaroon ng pagkilos sa harap ng ICC sa The Hague, The Netherlands, sa pangunguna ng Duterte Panagutin Network. Nilahukan ito ng mga progresibong grupo na nakabase sa The Netherlands, mga biktima ng huwad na gera kontra-droga at kanilang mga tagasuporta at abugado.
Sa Pilipinas, nagkaroon ng candle lighting at misa sa Malate Church sa Maynila noong Pebrero 22 bilang paunang aktibidad sa pagbubukas ng pagdinig sa susunod na araw. Sa araw ng pagdinig, nagtipon ang mga pamilya ng biktima sa UP Diliman sa isang porum at pagkilos bago bumalik sa kampus para sa sabay-sabay na panoorin ang livestream ng pagdinig. Nagsimula ang pagdinig nang alas-10 ng umaga sa The Hague (alas-5 ng hapon sa Pilipinas). Muling nagkaroon ng pagkilos sa huling araw ng pagdinig.
Nagkaroon din ng sabay-sabay na panonood ng livestream ng pagdinig ang mga biktima at kanilang mga pamilya sa Cebu City. Sa gitna ng panonood, ipinaliwanag ng mga abugado at eksperto ang mga argumento at kontra-argumento na lumabas sa pagdinig sa mga dumalo sa aktibidad.
Mahigpit na panawagan ng mga grupo sa ICC na kumpirmahin ang mga sakdal para umusad na tungo sa paglilitis ng mga kaso ang proseso. Anila, matagal nang inantala ng mga Duterte ang pagdinig sa pamamagitan ng pagsasampa ng mga petisyon para idiskaril ang kumpirmasyon at ang paglilitis mismo.
“Ang mga hakbang na ito ay nagpapakita ng takot ng kampo ni Duterte na ang mga ginawa ng kliyente nito ay indefensible o walang kadepe-depensa, at ang pinakamagagawa na lamang nila ay umasa sa mga taktikang pang-antala at sa walang batayang pagsabing ‘unfit to stand trial’ si Duterte,” pahayag ng Karapatan noong Pebrero 23.
Ilang araw bago ang pagdinig, nagtangka pa ang kampo ni Duterte na ipadiskwalipika ang tatlong Pilipinong abugado na napiling kumatawan sa mga biktima. Tinanggihan ng ICC ang petisyong ito. Tinanggihan din ng ICC ang hiling ng mga abugado ni Duterte na ibigay sa kanila ang mga pangalan at lokasyon ng ilang mga saksi, dahil magsasapeligro ito sa naturang mga saksi.
Ilalabas ng mga huwes ng Pre-Trial Chamber 1 ang kanilang desisyon kung itutuloy sa paglilitis kay Duterte 60 na araw mula magtapos ang pagdinig, o bandang katapusan ng Abril. Ayon sa mga eksperto, kung makukumpirma, maaaring magsimula ang paglilitis bandang katapusan ng 2026.
The post Pagdinig para sa kumpirmasyon ng mga sakdal ni Duterte, idinaos ng ICC appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

