Kinundena ng mga manggagawa sa Davao Region ang P30 dagdag-sahod para sa mga manggagawang di agrikultural at P20 sa manggagawang agrikultural na iginawad kamakailang ng wage board ng rehiyon.

Maliit na nga, hahatiin pa ito sa dalawang bigayan. Magkakabisa ang mga pagtaas sa Marso 13. Mula P505, magiging P505 at P540 lamang ang arawang minimum sa rehiyon. Malayo ito sa tinataya noong Enero na P1280 kada araw na nakabubuhay na sahod.

“Sinasabi ng iba na positibo raw ang P30 na wage hike sa Davao Region. Ngunit para sa mga nagpapagal na manggagawa, isang insulto ang P30 na wage hike na bagong iniutos ng regional wage board,” ayon kay Jeffry Uypala, tagapagsalita ng KMU-SMR sa isang pahayag noong Pebrero 27.

Aniya, barya ito kung ikukumpara sa katakot-takot na dagdag-singil sa mga pangunahing bilihin at serbisyo. Kabilang sa nagsitaasan noong nakaraang taon at pagpasok ng 2026 ang singil sa mga serbisyo at pampublikong yutilidad sa rehiyon. Noong Enero lamang, nagtaas ang singil ng Davao Light ng P2/kwh. Nagtaas din ng singil ang Davao City Water District. Sinabayan pa ito ng walang patid na pagtaas ng presyo ng gasolina, diesel, kerosin at LPG.

“Lahat ng ito ay nagpapatunay na hindi makaagapay ang kasalukuyang kita ang mga manggagawa. Halos mawala na ang kabuluhan o halaga ng P30 na wage hike dahil sa ganitong sitwasyon,” ayon kay Uypala.

Nahihiwalay ang wage board at ang gubyerno sa araw-araw na reyalidad na dinaranas ng mga manggagawa, aniya.

“Sa pamamagitan ng ganitong barya-barya o maliit na dagdag-sahod, pinoprotektahan lamang ng wage board at ng rehimeng Marcos Jr ang interes o kita ng mga malalaking negosyo at korporasyon,” ayon kay Uypala. “Ang ordinaryong manggagawa ay nananatiling inaapi, samantalang ang mga kapitalista ay lalong yumayaman.”

The post Baryang dagdag-sahod sa Davao, insulto sa mga manggagawa appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.