Isang magsasakang residente ng Barangay Cagtoto-og, San Jorge, Samar ang napatay ng mga sundalo ng 3rd IB sa walang patumanggang pamamaril noong Pebrero 2. Kinilala ang biktima bilang si Jaime Pabillar, 44 taong gulang.

Si Pabillar ay nasa loob ng kanyang bahay kasama ang asawa, anak at apo nang nagpaulan ng bala ang mga sundalo. Natamaan si Pabillar ng bala na kanyang ikinamatay. Samantala, labis ang takot ng kanyang pamilya at maging ng mga residente ng komunidad.

Pinabulaanan ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Western Samar (Arnulfo Ortiz Command) ang paratang ng 3rd IB na si Pabillar ay isang Pulang mandirigma. Inilinaw ni Ka Tirado Dagohoy, tagapagsalita ng yunit ng BHB, na si Pabillar ay isang sibilyan sa loob ng bahay na pansamantalang tinuluyan ng isang yunit ng BHB-Western Samar.

Ayon sa pahayag ni Dagohoy, nasa baryo ang isang yunit ng BHB nang oras na iyon upang mag-imbestiga sa kalagayan ng mga residente na sinasalanta ng pag-ulan at matinding militarisasyon. Panandalian silang sumilong sa isang bahay ng masa.

Aniya, habang naroon ay nakarinig ang mga Pulang mandirigma ng tunog sa labas ng bahay na kanilang siniyasat at nagsindi ng flashlight sa direksyon ng ingay. Matapos nito, kaagad at arbitraryong nagpaputok ang 3rd IB sa dirkesyon ng bahay.

“Hindi gumanti ng putok ang mga kasama at nakaalis nang walang natamong pinsala,” ayon kay Dagohoy. Pagsisikap ito ng yunit ng BHB-Western Samar na ilayo sa kapahamakan ang masang nagpatuloy sa kanila sa bahay. Ngunit dahil sa walang patumanggang pamamaril, napatay ng mga sundalo si Pabillar.

Nagpaabot ng lubos na pakikiramay ang BHB-Western Samar sa pagkamatay ni Pabillar. “Napakasakit na mawalan ng minamahal na ama at katuwang sa pagtaguyod sa pamilya, lalupa sa gitna ng pandarahas ng 3rd IB at pananamantala ng rehimeng US-Marcos sa masang magsasaka,” ayon kay Dagohoy.

Dagdag niya, hindi masusuklian ng limos na ilang kilong bigas at delata na desperadong ipinamigay ng 3rd IB at ng 1st CMO Company sa baryo ang pangungulila ng pamilya. Hindi rin umano ito sasapat para mabawi ang kabuhayang nawala sa kanila dahil sa hamlet o “lockdown” na ipinataw ng militar sa komunidad.

Ang pagpatay ng militar kay Pabillar ay isa lamang sa dumaraming mga kaso ng walang patumanggang pamamaril ng militar sa mga sibilyang komunidad sa Samar. Sa bayan ng San Jose de Buan, dalawang kabataang magkokopras ang inistraping ng 46th IB noong Enero habang pinaulanan din ng bala ang mga kabahayan sa isang barangay noong Disyembre 2025.

Ayon kay Dagohoy, ang pamamaril na ito ay pagpapatupad ng patakarang “shoot-to-kill” sa kanayunan na pumupuntirya hindi lamang sa BHB kundi maging sa mga magsasaka. “Sa kanilang kapraningan tuwing pumapasok sa mga eryang saklaw ng operasyon ng hukbong bayan, kahit sinong makita nila, kahit na hindi pa nila nakukumpirma kung ano ba ang target nila, at kahit na may iba pang sibilyan sa malapit, ay agad na lamang nilang pinapuputukan, aniya.

Sa harap ng karahasang militar, nangako ang BHB-Western Samar na pagbabayarin nang mahal ang mga berdugong naghahasik ng teror sa masang magsasaka. “Buong-tapang itong magpupunyagi sa landas ng rebolusyonaryong pakikibaka para kamtin ang tunay na hustisya at matagalang kapayapaan para sa mamamayang Pilipino,” ayon kay Dagohoy.

Kinundena rin ng National Democratic Front (NDF)-Eastern Visayas ang pagpatay kay Pabillar at iba pang kaso ng paglabag sa karapatang-tao ng mga sibilyan. Anang grupo, may pananagutan sa mga krimeng ito ang Task Force Gabay ng 801st IBde na nangunguna sa todong gera sa mamamayan.

Kaugnay nito, nanawagan ang NDF-EV sa mamamayan ng rehiyon na magkaisa, ilantad at labanan ang pasistang terorismo ng rehimeng US-Marcos. Dagdag ng grupo, dapat makipagkaisa sa kanila ang mga grupo sa karapatang-tao at mga nagmamahal sa tunay na kapayapaan, para ipanawagan ang hustisya para sa mga biktima ng pasismo ng estado.

The post Magasaka sa Samar, napatay sa walang patumanggang pamamaril ng 3rd IB appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.