Nagprotesta ang mga tagapagtanggol ng karapatang-tao sa Mandaluyong Police Headquarters sa Mandaluyong City noong Pebrero 26 at 27 para ipanawagan ang pagpapalaya sa dalawang aktibistang inaresto ng mga pulis noong Pebrero 25. Inaresto ang dalawa sa kasagsagan ng martsa mula sa EDSA-Ortigas papuntang EDSA Shrine sa paggunita sa ika-40 anibersaryo ng Pag-aalsang EDSA.

Ang mga inaresto ay kinilala bilang sina Edel Parducho ng Philippine Alliance of Human Rights Advocates at Three Odeña ng Samahan ng Progresibong Kabataan (Spark). Sinampahan sila ng mga kasong resistance and disobedience to agent of person in authority, direct assault, tumults and other disturbance, paglabag sa Batas Pambansa 880, at physical injuries.

Giit ng mga tagapagtanggol sa karapatang-tao, iligal ang ginawang pag-aresto at walang batayan ang mga isinampang kaso laban sa dalawa. Anila, malaking paglabag sa batayang karapatan sa malayang pagtitipon at kalayaan sa pagpapahayag ang karahasan ng mga pulis at lubhang taliwas sa diwa ng Pag-aalsang EDSA.

Nagpahayag ng suporta sa mga inarestong aktibista ang grupong Anakbayan. “Lumipas man ang 40 taon, nanatili ang legasiya ng diktadurang Marcos. Tunituring pa ring kalaban ng gubyernong ito ang mamamayang nananawagan ng pananagutan, habang sobrang kung kalingain ang mga magnanakaw na dapat nasa loob ng rehas,” pahayag ng Anakbayan.

Sa harap ng brutalidad ng mga pulis, sinabi ng Anakbayan na nagkakamali ang rehimeng Marcos sa pag-aakalang mapipigil nito ang patuloy na pagbabangon ng mamamayan. “Sa kumpas ng dakilang layuning lumaya at pandayin ang sistemang tunay na nagsisilbi sa mamamayan, patuloy at higit na dadagundong ang kapangyarihan ng mamamayan hindi lamang sa EDSA kundi maging sa lahat ng mayor na lansangan at bawat sulok ng kanayunan,” anito.

The post Pagpapalaya sa 2 inaresto sa protesta noong Pebrero 25, panawagan ng mga grupo appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.