Tutol ang mga residente at mangingisda ng Talim Island sa Rizal sa itinatayong Talim Wind Power Project sa isla. Anila, dapat agarang ipahinto ang proyekto dahil nagdudulot ito ng matinding pagbaha at pagguho ng lupa bunga ng pagkasira sa kalikasan at kabundukan.

Ang Talim Island ay isang isla sa gitna ng Laguna de Bay. Mayroon itong 24 na barangay na nahahati sa mga bayan ng Binangonan at Cardona sa Rizal.

Nasa likod ng proyektong windmill ang Island Wind Energy Corporation (IWEC), isang korporasyon sa “renewable energy. Subsidyaryo ito ng kumpanyang nakabase sa Singapore na Vena Energy.

Itinuturing ang Vena Energy na nangungunang independyenteng korporasyon sa “renewable energy” sa buong rehiyong Asia Pacific. Itinutulak ang proyekto para umano tugunan ang kakulangan ng suplay ng enerhiya sa bansa.

Ayon sa mga residente, nagsimula noong 2025 ang konstruksyon ng proyekto sa kabundukan ng isla. Dalawang taon bago nito, sinimulan ang pagpuputol ng mga punong kahoy bilang paghahanda para rito.

Dahil sa pagkakalbo sa bundok, dumanas kamakailan ang mga komunidad sa isla ng pagbaha ng tubig at putik na umabot hanggang 3-6 na metro ang taas. Pinaka-apektado nito ang mga barangay ng Kinagatan, Binagoogan, Janosan, Pinagdilawan, Ginoong Sanay at Binitagan.

Naglabas ng manipesto ng pagtutol ang mga residente ng isla sa pangunguna ng grupong Kasama sa Pangangalaga ng Isla Talim o Kapit sa Talim. Anang grupo, dapat tutulan ang proyekto dahil kakalbuhin nito ang mga kabundukan, babaguhin ang eksosistema sa katubigan, magdudulot ng biglaan at malaking pagbaha, pagguho ng lupa, pagka-agnas ng lupa, pagkawala ng likas na tanawin at identidad ng isla, pagbaba ng huling isda, pagliit ng mga sakahan, pagkontrol ng dayuhan sa lokal na ekonomya at kawalang pakinabang ng kuryenteng magmumula sa windmill para sa mga taga-isla.

“Ang proyekto, bagaman ipinakikilala bilang hakbang tungo sa ‘malinis na enerhiya,’ ay may kasama o kapalit na pinsala sa aming minamahal na lupang sinilangan,” ayon sa grupo. Dagdag ng Kapit sa Talim, nangangamba sila na sa likod ng pangakong kaunlaran ay tuluyang mawawasak ang kanilang komundiad.

Maliban dito, nangangamba rin ang mga residente at mangingisda na kapag nagtuluy-tuloy ang konstruksyon ng windmill ay maapektuhan maging ang karapatan sa panirahan lalo na ng mga nakatira sa laylayan ng bundok.

Kinwestyon din kamakailan ng mga residente kung nakakuha ang proyekto ng Environmental Compliance Certificate (ECC) mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) laluna at walang naganap na maayos na konsultasyon sa mga residente para sa proyekto. “Walang naganap na konsultasyon sa mga apektadong residente. Binulaga na lamang kami,” ayon kay Ronnel Arambulo, residente ng Talim Island at ikalawang tagapangulo ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya).

Ayon sa Pamalakaya, ang proyektong windmill na inilalako sa Talim Island ay bahagi ng tinatawag na maka-korporasyon at para sa negosyong “renewable energy” na ibinabandera ngayon sa buong bansa ng rehimeng Marcos. Tutol sa mga proyektong ito ang grupo dahil sa malawakang pagpapalayas at pagnanakaw sa kabuhayan na idinudulot nito sa mga mahihirap.

Nagpahayag din ng suporta sa mga residente ang Save Laguna Lake Movement (SLLM) dahil sa magiging epekto nito sa lawa.

The post Proyektong windmill sa Talim Island sa Rizal, tinututulan ng mga residente appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.