Matapos ang apat na taon ng ligal na laban, ibinasura ng Regional Trial Court (RTC) Branch 27 sa Catbalogan City ang kasong illegal possession of firearms and explosives na isinampa ng mga pwersa ng estado laban kay Esteban Manuel Jr. Si Manuel ay konsultant sa usapang pangkapayapaan ng National Democratic Front (NDF) at kilalang tagapagtaguyod ng kalikasan at kaunlaran sa kanayunan.

Inaresto si Manuel ng mga pwersa ng estado noong Pebrero 16, 2022 sa Barangay Cambaguio, Villareal, Samar. Sa panahon ng pagka-aresto, nagsasagawa siya ng pagsusuri sa kalikasan at nagdodokumento sa pagkawasak ng mga baybayin sa prubinsya. Pinalabas ng mga pulis at militar na dumakip sa kanya na nakumpiska sa pagkatao ni Manuel ang mga armas at pampasabog.

Mariing itinanggi ni Manuel at kanyang mga abugado mula sa National Union of Peoples’ Lawyers (NUPL) ang paratang. Sa harap nito, ipinawalang-sala ng korte si Manuel dahil sa mga pagkukulang sa proseso, kabilang ang kawalan ng agarang imbentaryo ng mga nakumpiskang ebidensya, mga pagdududa sa kredibilidad ng testimonya ng mga sundalo, at ang pagkawala ng mahahalagang saksi. Ipinag-utos din ng korte na ibalik kay Manuel ang mga kinumpiskang personal na gamit kabilang ang kanyang laptop, selpon at mga dokumento sa pananaliksik.

Ikinalugod ng NDF-Eastern Visayas ang pagwawalang-sala kay Manuel. Ayon kay Ka Celine Manlimbasog, tagapagsalita ng grupo, dapat agarang palayain si Manuel at pahintulutan nang mapayapang makapagretiro kasama ang kanyang pamilya.

Sa kabila ng desisyon ng korte, muling binatikos ng grupo ang pag-aresto kay Manuel na anito ay paglabag sa Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (JASIG). Ang JASIG ay pinirmahan ng Gubyerno ng Republika ng Pilipinas at NDFP noong 1995 na nagbibigay ng mga garantiya sa mga negosyador, tauhan, at mga konsultant ng dalawang panig laban sa mga ganting hakbang, kabilang ang pagmamanman at pag-aresto.

Anang grupo, ang pag-aresto at paglabag sa karapatan ni Manuel ay isa lamang sa napakaraming mga pag-atakeng isinagawa ng mga pwersa ng estado laban sa mga aktibo at retiradong rebolusyonaryo sa rehiyon noong 2022. Ilan sa mga kasong ito ang pag-aresto kay Edwin Alcid (Ka Veejo) noong Marso 2022 sa Northern Samar, pagtortyur at pagpatay kina Amado Adelantar (Ka Butil) at Maria Norie Adelantar sa buwan ding iyon sa Jiabong, Samar, at ang pagpatay kina Rodrigo Mejica Lorezo (Ka Akag) at Delia Rosco Rotamula (Ka Mema) sa Barangay Galutan, San Jose de Buan, Samar noong Agosto 2022. Naitala rin ang pag-aresto at sadyang pagmasaker buwang iyon sa mga konsultant ng NDFP na sina Benito Tiamzon at Wilma Austria at kanilang mga kasama.

“Ang rehimeng Marcos, tulad ng lahat bago niya, ay patuloy na nagpapatupad ng patakaran ng todong-gera at tahasang pagtanggi na tugunan ang mga ugat ng digmaang sibil,” ayon kay Manlimbasog. Gayunman, ang ganitong patakaran rin umano mismo ang nag-aanak ng mga rebolusyaryong katulad ni Manuel at iba pa.

The post Inarestong konsultant ng NDFP sa Eastern Visayas, ipinawalang-sala ng korte appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.