Naglunsad ng kilos-protesta ang mga residente ng Panday Creekside, Barangay Palingon-Tipas, Taguig City sa Taguig City Hall noong Pebrero 23 para tutulan ang bandang demolisyon sa kanilang komunidad… Nanawagan sila sa lokal na gubyerno na irespeto ang kanilang karapatan sa katiyakan sa paninirahan sa Panday Creekside.
Isang araw bago nito, nagtipon ang mga residente at myembro ng Panday Creekside Urban Poor Inc. (PCUPI) para patibayin ang pagkakaisa at paninindigan laban sa demolisyon. Pinangunahan naman ng mga kabataan at Anakbayan Taguig ang mural painting noong Pebrero 20-21 bilang porma ng pagtatanggol sa karapatan ng komunidad.
Isinagawa ang mga aktibidad matapos magpatawag ng “pulong konsultasyon” noong Pebrero 19 ang Sheriff ng Regional Trial Court 266 at Urban Poor Affairs ng Taguig City. Ang pulong na sana’y para sa paghahayag ng mga residente sa kanilang mga hinaing ay naging abiso para sa nakaplanong demolisyon.
Ipinabatid ng mga upisyal sa mga residente na mayroon na lamang silang 30 araw para lisanin ang komunidad kasabay ng pag-aalok ng kumpensasyon na ₱30,000 hanggang ₱41,000. Kasunod ng pulong ay pana-panahong nag-iikot ang demolition tim at ang sheriff para pilitin ang mga residente na mag-self-demolish kapalit ng pera.
Halos 200 bahay ng mga sharer, tenant, at iba pa ang mapalalayas ng nakatakdang demolisyon.
Noong 2011 unang lumutang ang pang-aangkin sa lupa sa Panday Creekside ng nagpapakilalang Jaime Lontoc. Dalawang taon makalipas, lumitaw naman ang Monocrete Construction Company (MCC) na nang-aangkin rin sa lupa.
Nagkaroon ng tangkang demolisyon sa komunidad noong 2015 sa pangunguna ng MCC. Napigilan ito ng paglaban ng mga residente.
Sa harap ng muling pagtatangkang demolisyon, nanawagan ang mga residente kay Taguig City Mayor Lani Cayetano na pakinggan ang kanilang hinaing at huwag hayaang gibain ang kanilang komunidad.
The post Komunidad sa Taguig City, tutol sa bantang demolisyon appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

