Nagpiket ang mga konsyumer at pasahero sa pangunguna ng Panay Consumers Alliance (PCA) sa Tagbak Terminal sa Jaro District, Iloilo City noong Pebrero 16. Kinundena nila ang problema sa transportasyon na ibinunga ng pagpapatupad sa jeepney phaseout sa tabing ng Public Transportation Modernization Program (PTMP) at Local Public Transport Route Plan (LPTRP) ng syudad.

Ayon sa grupo, dahil sa pagpapatupad ng mga patakarang ito sa tranportasyon ay nahihirapan sa kasalukuyan ang karaniwang mamamayan sa kawalan ng masasakyan. Sa syudad, araw-araw nang kalakaran ng mga pasahero ang mahahabang pila at pakikipag-unahan sa mga dyip para lamang makasakay.

Sa kompyutasyon ng PCA, nakakapagbigay serbisyo sa tinatayang 517,400 hanggang 620,880 na pasahero ang 2,587 dyip na bumabyahe sa syudad bago ang LPTRP. Mula nang ipinatupad ito, tinatayang 256,072 hanggang 330,760 katao na lamang ang nabibigyan ng serbisyo ng pampublikong transportasyon dahil sa nabawasang dyip, nag-ibang ruta at dumalang na byahe.

Pinalubha pa ang krisis na ito sa tranportasyon ng dati nang umiiral na mga patakaran sa syudad katulad ng pagbabawal sa pagpasok ng mga pamprubinsyang dyip at ang restriksyong ipinataw sa mga dyip na bumabyahe mula sa first-town (o unang mga bayan sa palibot ng Iloilo City).

Bilang kagyat na solusyon sa kakulangan ng mga masasakyan, nanawagan ang PCA sa lokal na gubyerno na agarang pahintulutan ang pagrerehistro at pagbalik ng mga dyip sa byahe. Hiling rin nila ang muling pag-aralan ang pagpapatupad ng LPTRP sa syudad at ibasura ang PTMP.

The post Problema sa transportasyon bunga ng LPTRP sa Iloilo, kinundena ng mga konsyumer appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.