Hindi bababa sa 12,000 Pilipino, karamihan kabataan, ang lumahok sa protesta ng mga progresibo at demokratikong sektor sa EDSA Shrine sa kanto ng Ortigas Avenue noong Pebrero 25 bilang paggunita sa ika-40 anibersaryo ng Pag-aalsang EDSA. Nagkakaisang panawagan ng mga manggagawa, magsasaka, maralitang-lunsod, kabataan, kababaihan, taong-simbahan, mga guro, kawani at iba pa: “Tuloy ang Laban sa Korapsyon at Kahirapan! Lahat ng Sangkot, Dapat Managot!”
Nagsama-sama sa protesta ang Kilusang Bayan Kontra Kurakot, Youth Rage Against Corruption, Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), Artikulo XI, Bunyog Pagkakaisa, Sanlakas at iba pang mga grupo at partido. Nakiisa at dumalo rin sa pagtitipon sina Bishop Gerardo Alminaza, pangulo ng Caritas Philippines at tagapangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines Episcopal Commission on Social Action, beterano ng batas militar na si Sr. Mary John Mananzan ng Movement Against Tyranny (MAT), at mga mambabatas na sina Rep. Leila de Lima ng Mamamayang Liberal at mga kinatawan ng Makabayan Bloc.
Iginiit ng mga grupo ang kanilang karapatang magprotesta nang harangin sila ng daan-daang mga pulis bago pa makarating sa EDSA-Ortigas. Sa pangunguna ng mga kabataan, nakipaggitgitan at tumulak ang mga raliyista para makalapit sa EDSA Shrine kung saan isinagawa ang programa. Dahil pinigilan ng mga pulis ang pagpasok ng trak na gagamitin bilang entablado at kinumpiska ito, nagpasok na lamang ng mga ispiker at mikripono para sa programa.
Mahigit 150 organisasyon at 400 indibidwal ang pumirma sa inihandang nagkakaisang pahayag ng mga organisador para sa araw ng protesta. Ayon sa pahayag, ang pagkilos ay “pagpapahalaga sa People Power I sa EDSA at sa iba pang panig ng bansa na nagpatunay na ang pagkakaisa ay sandata ng taumbayan para maibalik ang mga demokratikong institusyon (gaano man kalimitado) at subukang kamtin ang mas maginhawang buhay para sa lahat.”
Gayunman, sinabi sa pahayag na 40 na taon man ang lumipas ay nabigo ang mga sumunod na administrasyon na iahon sa kahirapan ang lahat ng mamamayan, at wakasan ang korap na sistemang pinaghaharian ng mga dinastiya at mga dambuhalang korporasyon. Anito, mataas pa rin ang presyo ng bilihin habang maliit pa rin ang kita ng mga manggagawa, magsasaka, at maliliit na negosyo. “Iilang pamilya at korporasyon lang ang nakikinabang sa ipinagmamayabang ng gobyerno na pag-unlad ng ekonomiya,” anito.
Ayon pa sa pahayag, sa harap ng nalantad na sistemikong korapsyon sa bansa at mga pag-usad para panagutin ang mga sangkot dito ay nananatiling kulang pa rin ang mga ito. “Hindi pa rin naiimbestigahan at nahuhuli ang mga mastermind. Tuloy ang korapsyon sa 2026 dahil bilyon-bilyong piso pa rin ang mga mala-pork barrel na allocables, insertions, at unprogrammed funds sa National Budget,” ayon pa sa pahayag.
Sama-samang idineklara ng mga grupo at indibidwal na pumirma sa pahayag: “Tama na, sobra na, sukdulan na ang sistema na pinapatakbo na parang negosyo ang gobyerno! Sama-sama nating ipagpatuloy ang laban sa korapsyon at kahirapan at para sa katotohanan, katarungan, at pananagutan!”
Sa pagkilos, umalingawngaw ang mga panawagan para papanagutin at pababain sa pwesto sina Ferdinand Marcos Jr at Sara Duterte sa pagkakasangkot sa sistemikong korapsyon. Isinigaw din ng iba’t ibang sektor ang kanilang partikula na mga ekonomiko at pampulitikang panawagan.
Samantala, dalawang raliyista ang inaresto ng mga pulis sa pagkilos. Nanawagan ang mga grupo sa karapatang-tao na agarang palayain ang dalawa.
Hindi handang makipagkaisa
Sa isang bahagi ng kahabaan ng EDSA, inilunsad naman ng mga grupo sa ilalim ng Trillion Peso March Movement (TPMM) ang isang hiwalay na pagkilos. Ilanglibo rin ang nagtipon sa aktibidad ng grupo sa People Power Monument kung saan dumalo ang kilalang personahe ng TPMM na si Cardinal Pablo Virgilio David.
Hiwalay ang naging pagkilos ng TPMM dahil sa pagtanggi ng ilang mga grupo at partidong pulitikal sa hanay nito na magkaroon ng nagkakaisang programa. Sa pagsisikap na pag-isahin ang komemorasyon sa tulak ni Bishop Alminaza ng Caritas Philippines, binuo ng mga grupo ang EDSA@40 Committee. Muling nabigo ang naturang pagsisikap dahil sa mga tampok na pagkakaiba at tindig ng ilang mula sa TPMM laluna ng mga grupong SIKLAB, Tindig Pilipinas at Akbayan Partylist.
Tumanggi ang mga grupong ito na lumahok sa pagkilos ng EDSA@40 Committee dahil sa umano’y pagtutulak ng ilang grupong bahagi ng komite para sa hindi konstitusyonal at marahas na aksyon tulad ng junta militar at rebolusyonaryong gubyerno. Tampok rin ang agam-agam ng TPMM sa mga panawagan para sa resignasyon, impeachment at pagpapanagot kay Marcos dahil makakaganansya dito si Duterte.
Ayon kay Teddy Casiño, tagapangulo ng Bayan, sa kabila ng mga pagsisikap na magpaliwanag at iwasto ang mga maling pananaw at maling impormasyon na ito ng TPMM ay nanaig ang pusisyon na hindi makipagkaisa. Gayunman, sinabi ni Casiño na sa kabila nito ay nananatiling nasa pagkilos ng mamamayan ang diwa ng EDSA.
Iba pang mga pagkilos
Maliban sa protesta sa EDSA, nagkaroon din ng mga pagkilos sa mga prubinsya. Tampok sa mga ito ang libu-libong kumilos sa Baguio City, Iloilo City at Bacolod City.
Nagkaroon din ng protesta at aktibidad sa Dagupan City sa Pangasinan, Angeles City sa Pampanga, Tuguegarao City sa Cagayan, Santiago City sa Isabela, Naga City sa Camarines Sur, Legaspi City sa Albay, Kalibo sa Aklan, Roxas City sa Capiz, sa Antique, Tacloban City sa Leyte, Cebu City, Dumaguete City sa Negros Oriental, Cagayan de Oro City at sa Davao City. Samantala, iniulat rin ng simbahang Katoliko ang paglahok sa komemorasyon ng halos 90 diyosesis sa buong bansa.
The post Libu-libong Pilipino, nagprotesta sa EDSA-Ortigas sa ika-40 anibersaryo ng Pag-aalsang EDSA appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

