Mariing kinukundena ng Arnulfo Ortiz Command ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Western Samar ang walang pakundangang pamamaril ng mga pasistang tropa ng 3rd Infantry Battalion sa kabahayan ng Barangay Cagtoto-og, San Jorge madaling araw ng Pebrero 2. Nagresulta ito sa pagkamatay ng isang magsasaka at matinding ligalig sa komunidad.

Madaling araw nang araw na iyon ay nasa baryo ang isang tim ng BHB upang mag-imbestiga sa kalagayan ng mga residente na sinasalanta ng pag-ulan at matinding militarisasyon. Panandalian silang sumilong sa isang tahanan ng masa.

Habang naroon, nakarinig sila ng tunog sa labas ng bahay. Kanila itong siniyasat at nagsindi ng flashlight sa direksyon ng tunog. Nang patayin ng Pulang mandirigma ang ilaw, agad na nagpaputok ang pasistang militar sa direksyon ng tahanang tinutuluyan nila.

Hindi gumanti ng putok ang mga kasama at nakaalis nang walang natamong pinsala. Sa kasawiang palad, namatay sa walang pakundangang pagpapaputok ng mga pasistang tropa si Jaime Pabillar, 44 anyos, residente ng Cagtoto-og. Hindi siya kasapi ng BHB, taliwas sa pinakakalat na kasinungalingan ng 3rd IB. Kasama niya noon sa bahay ang kanyang asawa, anak at apo. Labis na takot sa mga residente ang idinulot ng pangyayari sa kanila.

Lubos kaming nakikiramay sa mga naulila ni G. Pabillar. Napakasakit na mawalan ng minamahal na ama at katuwang sa pagtaguyod sa pamilya, lalupa sa gitna ng pandarahas ng 3rd IB at pananamantala ng rehimeng US-Marcos sa masang magsasaka. Ang kanilang pangungulila at hinagpis ay hindi masusuklian ng limos na ilang kilong bigas at delatang desperadong ipinamigay ng 3rd IB at ng 1st CMO Company sa baryo. Hindi rin ito sasapat para mabawi ang kabuhayang nawala sa kanila dahil sa hamlet o “lockdown” na ipinataw ng militar sa komunidad.

Ang pagpaslang kay G. Pabillar ay isa lamang sa paparaming insidente ng walang patumanggang pang-iistraping ng militar sa mga magsasaka. Noong Enero lang ay dalawang kabataang magkokopras ang inistraping ng 46th IB sa Sityo San Pedro, San Jose de Buan. Noong Disyembre 2025, nagpaputok din ang mga elemento ng MIB sa direksyon ng mga kabahayan sa Barangay Babaclayon sa San Jose de Buan.

Pagpapatupad ito ng patakarang “shoot-to-kill” sa kanayunan na pumupuntirya hindi lang sa BHB kundi maging sa mga magsasaka. Sa kanilang kapraningan tuwing pumapasok sa mga eryang saklaw ng operasyon ng hukbong bayan, kahit sinong makita nila, kahit na hindi pa nila nakukumpirma kung ano ba ang target nila, at kahit na may iba pang sibilyan sa malapit, ay agad na lamang nilang pinapuputukan.

Nangangako ang Arnulfo Ortiz Command na pagbabayarin nang mahal ang mga berdugong naghahasik ng teror sa masang magsasaka. Buong-tapang itong magpupunyagi sa landas ng rebolusyonaryong pakikibaka para kamtin ang tunay na hustisya at matagalang kapayapaan para sa mamamayang Pilipino.

The post Kundenahin ang pag-istraping at pagpaslang ng 3rd IB sa magsasaka sa San Jorge! appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.