Nakikiisa ang mga rebolusyonaryong pwersa sa Eastern Visayas sa mga kaanak at tagasuporta ng mga biktima ng madugong gyera kontra droga ng rehimeng US-Duterte. Sinusuportahan natin ang kanilang ilang-taong pagsisikap na itulak ang pagpapanagot kay Rodrigo Duterte sa International Criminal Court at ilantad sa buong mundo ang kanyang mga krimen, matapos silang biguin ng sistema ng hustisya sa Pilipinas na nagsisilbi lang na ipagtanggol ang interes ng iilang naghaharing-uri.
Anumang kasinungalingan at pagtatakip na gawin ni Duterte at ng kanyang mga bayarang abugado, hindi nito maikakaila ang nangungunang pananagutan niya sa huwad na gyera kontra droga na sistematikong kumitil sa buhay ng hindi bababa sa 30,000 tao. Si Duterte mismo na numero unong drug lord ang nagdisenyo at nag-utos ng pagpapatupad ng Oplan Tokhang sa buong bansa, upang “nyutralisahin” ang maliliit at maralitang pusher at user, payukuin ang mga karibal niya sa negosyo at monopolisahin ang merkado ng iligal na droga. Hinikayat niya ang mga pulis na pumatay sa pamamagitan ng sistemang gantimpala at sa kanyang halos araw-araw na panunulsol sa kanila na “sagot ko kayo” at dahasin ang mamamayan.
Minana at buong-siglang ipinagpatuloy ng sumunod na rehimeng US-Marcos ang marahas na gyera kontra droga. Taliwas sa pinalalabas ni Marcos Jr na “bloodless” na drug war, dumadanak pa rin sa dugo sa ilalim ng rehimeng Marcos. Sa tala ng Dahas Project ng UP Third World Studies Center, 269 ang napatay noong 2025. Karamihan sa kanila ay maliliit na pusher at gumagamit ng iligal na droga. Tatlo ay menor de edad.
Ang estilong Tokhang ng extrajudicial killings ay brutal na ipinatupad ni Duterte hindi lang sa gyera kontra droga kundi maging sa kampanya kontra-insurhensiya. Mula nang ipinatupad ng rehimeng Duterte ang Memorandum Order 32 sa Samar noong 2018, maya’t mayang nang-iistraping at pumapaslang ang mga pasistang tropa ng 8th Infantry Division at pulis sa mga magsasaka at mga indibidwal na di armado, na mistulang pagpapatupad ng patakarang “shoot-to-kill” laban sa mga pinagdududahang Pulang mandirigma. Patuloy naman itong inuutos ni Marcos sa kanyang mga pasistang kawal, kung saan noong Pebrero 2 lamang ay napatay sa istraping ng 3rd Infantry Battalion ang isang sibilyan sa bayan ng San Jorge.
Ngunit ang ganitong karahasan ay tanda hindi ng lakas ng naghaharing rehimen, kundi ng desperasyon nitong supilin ang nag-aalab na galit ng mamamayang nakikibaka para sa pagbabago. Patuloy na magpupunyagi ang mga rebolusyonaryong pwersa sa Eastern Visayas at sa buong bansa na isulong ang digmang bayan para maitayo ang isang demokratikong gubyerno na magtitiyak ng hustisya at due process para sa mamamayan.
Katunayan, paunti-unti na itong nagagawa sa mga lugar kung saan naitayo na ang punla ng demokratikong gubyernong bayan. Dito ay marapat na ipinapataw ang rebolusyonaryong hustisya laban sa mga pinakasagadsaring traydor na labis na kinamumuhian ng masa dahil sa pagkanulo nila sa rebolusyon.
The post Papanagutin ang numero unong drug lord na si Duterte sa mga krimen laban sa mamamayan! appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

