Nagpupugay ang rebolusyonaryong kilusan sa lalawigan ng Camarines Norte at buong Kabikulan sa kabayanihan ni Kasamang Roberto delos Santos (Ka Bogs) matapos niyang mag-alay ng buhay para sa sambayanan.
Nasawi si Ka Bogs sa isang labanan noong ika-10 ng Pebrero sa Barangay Culasi sa bayan ng Mercedez.
Katumbas ng bigat ng mga bundok ng Camarines Norte ang halaga ng buhay ni Ka Bogs na mariing nakadagan sa nagdadalamhating puso ng mamamayang api sa lalawigan na nagpupuyos rin sa galit sa mga pasista at taksil sa rebolusyon.
Nagkamali si Maj. Gen Alwine Almase ng 9th IDPA sa pag-aakalang magiging katapusan na ito ng Bagong Hukbong Bayan at ng paglaban ng sambayanan sa Kabikulan, malayo sa katotohanan ang kanilang pahayag na malalansag na ang mga larangang gerilya sa lalawigan dahil sa pagkasawi ni Ka Bogs.
Sampal lalo sa mga pasistang Heneral ang matatag na paninindigang ipinakita ni Ka Bogs matapos na ilang ulit niyang labanan ang tusong pagpapasuko sa paraan ng panggigipit sa kanyang mga magulang at pamilya. Imbes na sumuko, nanatili siyang matapat sa masa at rebolusyon at dito ibinigay ang kanyang buong husay at lakas, maging ang kanyang kaisa-isang buhay.
Nagkamali ang pasistang 9IDPA sa pagparada ng mga sumuko kunong rebelde at gawin silang medalya at panukat sa paghina ng CPP-NPA.
Ang totoong nauunawaan ng uring aping pinaglingkuran ni Ka Bogs ay kabayanihan at kagitingan ang patuloy na manindigan para sa rebolusyon, at ang pagkakanulo at kataksilan ay walang kapatawaran kailanman.
Kailangang maging pagkakataon ng muling pagsulong at magsilbing inspirasyon ang katapatan ni Ka Bogs sa rebolusyon hanggang sa kanyang huling hininga! Pumipintig pa rin ang kanyang puso sa dibdib ng mga magsasaka mula Sorsogon hanggang Camarines Norte!
The post Pagpugayan si Ka Bogs sa Kanyang Katapatan sa Rebolusyon Hanggang Huling Hininga! appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

