Ikinalugod ng Kalikasan People’s Network for the Environment ang planong pagsasara ng minahan ng FCF Minerals Corporation sa Barangay Runruno, Quezon, Nueva Vizcaya sa katapusan ng 2026.
Ayon sa grupo, ang planong pagsasara ay patunay na kayang palayasin ang mga mandarambong sa pamamagitan ng sama-samang paglaban. Ang tagumpay na ito ay bunga ng ilang taong pakikibaka ng mamamayan ng Nueva Vizcaya, mga katutubo, tagapagtanggol ng kalikasan at kanilang mga tagasuporta para palayasin ang mga dayuhang mandarambong na korporasyon.
Idineklara ng FCF Minerals noong Pebrero 18 na ititigil nito ang operasyon sa Runruro matapos isuspinde ang permit sa eksplorasyon ng kumpanya sa Dupax del Norte ng Mines and Geosciences Bureau (MGB) noong Pebrero 5. Ang itatayong minahan sa lugar ay magsisilbi sanang ekstensyon ng minahan sa Runruno. Ngunit dahil sa suspensyon, mauubos na ng kumpanya ang lahat ng natitirang gold-molybdenum. Dahil dito, kailangan nitong tuluyang itigil ang operasyon sa Runruno. Isa sa sinisisi ng kumpanya sa desisyon nito ang ang “kawalan ng malinaw na regulasyon ng MGB sa pagpapahintulot sa pagtatapos ng programa sa eksplorasyon” sa Dupax del Norte.
Ipinagmayabang pa ng FCF Minerals ang kunwa’y “ambag sa ekonomya” na mawawala dulot ng pagsasara ng minahan, kabilang ang pagkatanggal sa trabaho ng mahigit 1,500 na manggagawa. Magtatapos din daw ang pagbibigay nito ng bahagi ng kita ng lokal na pamahalaan, ibinabayad na buwis at royalty, at pondo para sa pagpapaunlad ng komunidad na nakatali sa produksyon.
“Ang pinagyayabang ng kumpanya na mga “trabaho” ay hindi kailanman dulot ng pagmamalasakit. Ito ay mga mumo na inaalok sa komunidad matapos sirain ng kumpanya ang kanilang lupang sakahan, winasak ang kanilang pinagkukunan ng tubig, pagkasira ng kabuhayan na bumubuhay sa komunidad bago dumating ang pagmimina sa Runruno,” paliwanag ng grupo.
Ayon sa grupo, hindi lamang sinira ng minahan ang mga watershed at nilason ang mga ilog, sinira din nito ang tereyn ng mga bundok. Noong Nobyembre 2020, limang residente ang namatay at siyam ang di na nakita dulot ng malawakang pagguho ng lupa nang hinagupit ng bagyong Uliysses ang prubinsya.
Kinundena rin ng grupo ang arogante pagkwestyon ng kumpanya sa suspensyon, nang sinaad nito na sinusuri nila ang “lahat ng legal na paraan, kabilang ang mga administratibo, kontrakwal, at konstitusyonal na pamamaraan, upang maprotektahan ang mga karapatan ng kumpanya ilalim ng batas ng Pilipinas.”
“Kapag ibinalik ang permit ng Woggle, inilalantad lamang nito ang kapalpakan ng pambansang batas sa pagmimin, isang batas na matagal nang nagpahintulot sa malawakang pagmimina ng mga korporasyon at pandarambong sa ating likas na yaman,” paliwanag ng grupo.
“Hinahamon namin ang MGB at DENR na tumindig sa kanilang pagsuspinde sa permit at sa tuluyang pagkansela sa permit sa eksplorasyon ng kumpanya. Tumindig kayo sa panig ng mamamayan, hindi sa korporasyon ng sa mina,” saad ng grupo.
The post Minahan ng FCF Minerals Corporation sa Nueva Vizcaya, naipasara ng mamamayan appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

