Mariing kinundena ng mga tagapagtaguyod ng mga karapatan ng Lumad ang anomalya sa pagpapatayo ng Department of Education (DepEd) ng mga eskwelahan sa Talaingod, Davao del Norte. Napag-alaman sa ulat ng Commission on Audit (COA) na hindi tapos ang dalawang gusali ng paaralang itinatayo dito na nagkakahalaga ng humigit-kumulang ₱36 milyon.

Noong Nobyembre 2025, pinuna ng COA Region 11 ang DepEd Davao del Norte Division dahil sa mga iregularidad na ito. Nagresulta ang pagsita sa suspensyon ng tatlong upisyal habang iniimbestigahan ang anomalya. Ang mga upisyal na ito ay sina Schools Division Superintendent Reynaldo Mellondio, Assistant Superintendent Janette Veloso, at Division Engineer Elillou Jumawan.

Sa isang pinag-isang pahayag, tinawag ng Save Our Schools (SOS) Network at Sabokahan Unity of Lumad Women ang anomalya bilang “walang kahiya-hiya at dapat kundenahin.” Ipinagkakait ng kawalan ng eskwelahan ang edukasyon sa kabataang Lumad laluna matapos ipasara ng estado at ng AFP ang mga eskwelahang Salugpongan sa Talaingod. Halos 55 paaralang Lumad ang ipinasara ng noo’y rehimeng Duterte matapos ipinailalim sa matinding militarisasyon ang erya at ni-red-tag ang mga guro at estudyante.

“(A)ng Salugpungan na itinayo noong huling bahagi ng dekada 2000 sa tulong ng mga NGO at nasa ilalim ng Alternative Learning System ng DepEd, ay nagbigay ng libre at makabuluhang edukasyon gamit ang mga boluntir na guro,” ayon sa pahayag ng dalawang grupo. “Ang mga paaralang Lumad ay libre, nakabatay sa komunidad.” Anito, ang paggamit ng pwersa para ipasara ang mga ito ay isang malaking krimen. “Pero ang pagtanggap ng badyet… at pagkatapos ay walang implementasyon… ay higit na malupit, korap, at dapat kundenahin!”

Ang anomalya sa pagtatayo ng eskwelahan sa Talaingod ay bahagi ng mas malawak na mga kapalpakan ng programang Last Miles Schools na may layuning magtayo ng mga eskwelahan sa malalayong lugar. Sa ilalim ng noo’y kalihim na si Sara Duterte, 22 lamang sa 98 na target na eskwelahang itayo ang natapos mula 2019 hanggang 2023. Nilaanan ang mga eskwelahang itong ₱211.2 milyon.

The post Korapsyon sa pagtatayo ng mga klasrum sa Talaingod, Davao del Norte, binatikos appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.