Pinabulaanan ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Camarines Norte (Armando Catapia Command) ang pagdadawit sa hukbong bayan sa kumalat na mga balita kaugnay sa “bomb threat” sa isang eskwelahan sa Camarines Norte sa nakalipas na mga araw. Sa mga mensaheng ipinakalat sa eskwelahan at sa social media, nangingikil ng pera at mga kagamitan ang mga nagpakilalang mula sa BHB kasabay ng banta ng pagpapasabog.
Sa ulat ng midya, nakuha ang isang sulat ng pagbabanta sa palikuran ng Mabini Colleges-High School Department sa Daet noong Pebrero 20 ng umaga. Nilalaman ng sulat ang isang seryosong banta at kabayarang pinansyal kapalit ng hindi pagsasagawa ng anumang karahasan o pagsabog sa loob ng paaralan.
Ayon sa mensahe, humihingi ng halagang ₱9 na milyon na dapat dalhin sa Barangay Colasi sa bayan ng Mercedes sa pamamagitan ng isang estudyante. Pinalalabas sa sulat na mayroon silang kontak sa loob ng kampus. Dahil sa mga pagbabanta, nagsuspinde ng klase sa kampus.
Ikalawang pagkakataon ito ng pambabanta ng karahasan sa kampus nitong Pebrero. Ginagamit ang mga ito ngayon ng Philippine National Police (PNP)-Camarines Norte para paigtingin ang presensya sa Daet at katabing bayan ng Bansud.
“Taliwas sa nilalaman ng kumakalat na mga pekeng liham, hindi gawain ng BHB ang magpasabog ng pampublikong pasilidad gaya ng mga paaralan na magpasasapanganib sa mga sibilyan,” pahayag ng BHB-Camarines Norte. Anito, mahigpit ang pagpapahalaga ng hukbong bayan sa interes at kapakanan ng mga sibilyan at pagtalima nito sa internasyunal na batas ng digma at karapatang-tao.
Ayon sa yunit, ang pagpapakalat ng disimpormasyon at mga pekeng balita sa ngalan ng BHB ay para ipinta na “terorista” ang rebolusyunaryong hukbo ng mamamayan. “Bahagi lamang ito ng kagustuhan ng rehimeng US-Marcos na maghasik ng teror upang magpailalim ang mga sibilyan sa kontrol ng pasistang tropa nito,” dagdag ng BHB-Camarines Norte.
Nanawagan ang kumand sa prubinsya ng BHB sa mamamayang Pilipino na maging mapagmatyag sa anumang porma ng disimpormasyon laban sa rebolusyunaryong kilusan laluna sa pag-igting ng krisis sa pulitika at ekonomya ng rehimeng Marcos. “Ang pasistang rehimen ang may dapat na katakutan sa napipintong pagsabog anumang oras ng galit ng mamamayan na sukang-suka na sa korapsyon ng gobyernong bulok,” anito.
The post “Bomb threat” sa eskwelahan sa Camarines Norte, itinanggi ng BHB-Camarines Norte appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

