Hindi aatras ang Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) at mga progresibong organisasyon sa ilalim nito sa planong malaking rali sa EDSA sa darating na Pebrero 25, paggunita sa ika-40 anibersaryo ng pag-aalsang EDSA. Determinado ang grupo na ituloy ang rali sa kabila ng “no permit, no rally” na patakaran ng rehimeng Marcos.

Inianunsyo kamakailan ng Metropolitan Manila Development Authority at National Capital Region Police Office na mahigpit nilang ipatutupad ang naturang mapanupil na patakaran sa araw na iyon. Maliban dito, ipagbabawal ng mga ahensya ng gubyerno ang mga panawagang nagpapababa sa pwesto kay Ferdinand Marcos Jr sa poder.

Ayon sa pangulo ng Bayan na si Reneto Reyes Jr, itutuloy nila ang martsa patungong EDSA Ortigas kung saan sila maglulunsad ng programa. Aniya, igigiit ang protesta “upang itanghal ang halaga at pangangailangan ng ‘people power’ at upang panagutin ang mga Marcos sa kanilang mga krimen sa nakaraan at kasalukuyan.”

Dagdag ni Reyes, ang pagbabawal ay tahasang sumasalungat sa mismong diwa ng EDSA. “Ipagdiriwang natin ang kapangyarihan ng mamamayan, hindi ang kapangyarihan ng pulis, hindi ang kapangyarihan ng estado, at hindi ang mga pasistang hakbang ng isang nahihiwalay na rehimeng nakasandig sa mga ligal na labi ng diktadurang Marcos,” aniya.

Ayon naman sa Koalisyong Makabayan, elektoral na koalisyon ng mga progresibong partido, “Tuloy ang laban. Tuloy ang protesta. May permit man o wala.” Dagdag nito, hindi kinailangan ng permit ng Pag-aalsang EDSA noon, at hindi rin kailangan ng permiso para magprotesta sa Pebrero 25.

Ang malaking rali sa EDSA Ortigas ay pangungunahan ng malapad na alyansang kontra korapsyon na Kilusang Bayan Kontra Kurakot (KBKK), kung saan bahagi ang Bayan at Koalisyong Makabayan. Naglabas ng nagkakaisang pahayag ang KBKK na pinirmahan ng maraming grupo at indibdwal na lalahok sa pagkilos. Panawagan nila ang pagpapatuloy sa people power laban sa korapsyon at kahirapan at para sa katotohanan, katarungan, at pananagutan.

Binatikos rin ng KBKK ang tinawag nitong “Marcosian” na patakarang “no rally zone” sa EDSA. “Kinukundena namin ang mapanupil at hindi demokratikong mga patakarang ito laban sa mamamayang nananawagan ng pananagutan sa malawakang korapsyon,” ayon kay Niña Fegi, convenor ng KBKK.

Samantala, naglabas ng apela si Bishop Gerardo Alminaza sa mga ahensya ng gubyerno kaugnay ng naturang patakaran. Aniya, ang pagbabawal sa rali ay salungat sa diwa ng makasaysayang pagitipon noon sa EDSA kung saan nagsama-sama ang mga Pilipino nang may tapang at panalangin para wakasan ang diktadura.

“Nananawagan kami ng konsensya. Nananawagan kami ng pananagutan. Nananawagan kami ng isang demokrasya na nakikinig sa halip na nanunupil,” pahayag niya. Si Bishop Alminaza, kasalukuyang obispo ng San Carlos City sa Negros Occidental, ay tumatayong pangulo ng Caritas Philippines at tagapangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines Episcopal Commission on Social Action. Isa siya sa daan-daang mga lider na pumirma sa nagkakaisang pahayag ng KBKK.

The post Pagbabawal na magrali sa EDSA sa Pebrero 25, bibiguin ng mga progresibong grupo appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.