Mariing binatikos ng grupong Piston ang isinasagawang pag-iinspeksyon ng LTFRB para alamin diumano ang “roadworthiness” ng mga yunit ng dyip na sa totoo ay “phase out” ang katumbas. Noong Pebrero 19, hinarap ng mga lider ng grupo ang mga upisyal ng ahensya para ipaatras ang mga inspeksyon.
“Ang ating posisyon: Katiyahan sa kabuhayan ang dapat mauna,” pahayag ng Piston. Anito, hindi dapat basta ipabalikat sa mga opereytor ang rehabilitasyon, dapat ayusin muna ng gubyerno ang patakaran nito at ibalik ang indibidwal na prangkisa ng mga dyip.
“Para sa ordinaryong maliit na operator, mabigat ang gastusin ng rehabilitasyon,” ayon sa grupo. Sa karanasan ng mga drayber, ang isang piraso ng refurbished (second hand) na gulong mula sa vulcanizing shop ay maaaring magkahalaga na ng ₱8,000 pataas. Sa gulong pa lamang ay aabot na ng ₱32,000 ang isang buong set. Kung isasama ang iba pang ginawang rekisito ng LTFRB para sa rehabilitasyon, maaring umabot sa ₱200,000 pataas ang gagastusin kada isang dyip.
Dehado ang mga opereytor sa kaayusang ipinipilit ang rehabilitasyon ng kanilang mga dyip nang wala silang natatamasang anumang suporta o subsidyo mula sa gubyerno, at habang nakaamba pa rin ang phaseout dahil sa Public Transport Modernization Program.
Naninindigan ang grupo na ang kasalukuyang pakanang rehabilitasyon ay “pagpapatuloy lamang ng lalong pagwasak at pagtatanggal ng kabuhayan ng mga tsuper at opereytor na naghihingalo na nga dahil sa kapalpakan ng Public Transport Modernization Program.” Pagpapatuloy lamang ito ng pagwasak sa suplay ng transportasyon, at pagpapalala ng krisis sa transportasyon, ayon sa grupo.
The post Kabuhayan at prangkisa, di phase-out sa tabing ng “rehabilitasyon” appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

