Pinangunahan ng grupong Gabriela, kasama ang mga organisasyon mula sa iba’t ibang sektor ang Dance, Run, Protest: One Billion Rising (OBR) Philippines 2026 na may panawagang “Women Rise Against VAW, Corruption and Fascism” sa University of the Philippines, Diliman sa Quezon City noong Pebrero 14.
Ang OBR ay pandaigdigang kampanya para sa pagwawakas sa lahat ng porma ng karahasan laban sa kababaihan sa pamamagitan ng sama-samang pagsayaw. Una itong inilunsad noong 2012 at naging taunang aktibidad ng mga grupo ng kababaihan sa buong mundo.
Nakatuon ang pagkilos sa tatlong magkakaugnay na mahahalagang isyu na nakakaapekto sa mga kababaihan- ang nakakabahahalang pagdami ng kaso ng karahasan laban sa kababaihan at bata; sistematikong pandarambong sa pondo ng bayan na nagpapalala sa gutom, kahirapan at kawalan ng serbisyong panlipunan; at ang pag-igting ng pasistang atake sa mga kababaihang tagapagtanggol sa karapatang-tao at sa mga komunidad na lumalaban.
“Ang laban sa korapsyon ay laban din sa violence against women (VAW) dahil maraming mga serbisyo para sa mga naaabuso na mga kababaihan at mga bata ang nawawaldas dahil sa pagnanakaw sa kaban ng bayan,” pahayag ni Sarah Elago, kinatawan ng Gabriela Women’s Partylist. “Hindi hiwalay yung laban ng mga kababaihan sa VAW sa loob o labas ng tahanan o sa lipunan man.”
Pinakita din sa programa ang masisigla at malikhain na mga kampanya at adbokasiya ng grupo na nananwagan ng “Defend Filipino Women”, “Labanan ang Abuso”, “Kurakot, Managot!” at “I Vow to Fight VAW: Your touch lessens my pain.”
Ayon sa grupo, ang pagsayaw at ang pagtakbo ay nagsisilbing makapangyarihang kolektibong pagkilos ng kababaihang Pilipino sa gitna ng lumulubhang sosyo-ekonomikong krisis, dumaraming kaso ng karahasan laban sa kababaihan at bata, at lumalawak na galit ng mamamayan sa korapsyon sa ilalim ng rehimeng US-Marcos.
“Ngayon, trinansporma natin ang ating kolekatibong galit tungo sa militanteng pagsayaw, pagtakbo at protesta. Tumitindig tayo dahil ang karahasang ginagawa sa mga kababaihan at bata ay sinasalamin ng karahasan ng mapandambong na estato at pasista nitong makinarya.” pahayag ni Clarice Palce, pangkalahatang kalihim ng Gabriela.
Maliban sa Quezon City, naglunsad din ng OBR ang Gabriela Youth Metro Baguio sa Baguio City, Amihan Bicol sa Bula, Camarines Sur, Gabriela Novaliches, Pinay sa Holland at Gabriela Australia at sa St. Scholastica’s College, Manila.
Nanawagan ang Gabriela sa mga kababaihan at mamamayan na lumahok sa pambansang protesta sa Pebrero 25, ang ika-40 anibersaryo ng EDSA at sa Marso 8, sa Pandaigdigang Araw ng Kababaihang Manggagawa.
The post Mga kababaihan, umindak laban sa karahasan laban sa kababaihan, korapsyon at pasismo appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

