Nagprotesta ang grupong Gabriela sa Commonwealth Market sa Quezon City noong Pebrero 13 upang ipanawagan ang pagbasura sa 12% value added tax (VAT) at pagkundena sa malawakang korapsyon sa bansa. Bahagi ang protesta ng “Black Friday Protest,” o ang lingguhang protesta laban sa korapsyon na nagsimula noong Setyembre 2025.

Sa protesta, inilunsad ang kampanyang “VAT Tanggalin, Kurakot Panagutin” bilang bahagi ng Pandaigdigang Araw ng Kababaihang Anakpawis sa darating na Marso 8. Kasabay nito, naglunsad ang grupo ng signature campaign para pagbasura sa VAT sa mga bilihin at sebisyo. Layon ng grupo na makakalap ng 12,000 pirma.

Ayon sa grupo, ang 12% vat ang pinakamalaking pabigat sa sambayanang Pilipino. Pinaparusahan ng VAT ang bawat Pilipino, laluna ang mga nanay na nagsisikap na pagkasyahin ang napakababang sahod na mas mababa pa sa nakabubuhay na antas.

Anito, muling nabuhay ang panawagan para sa pagbasura sa VAT sa gitna ng malawakang pagkundena ng mamamayan sa mga kontrobersiya hinggil sa korapsyon na kinabibilangan ng bilyon-bilyong halaga ng ghost projects at maling paggamit ng pondo para sa flood control.

“Isang malaking insulto para sa bawat Pilipino na nagbabayad ng buwis na nagbabayad tayo sa VAT para sa lata ng sardinas o sa isang litro ng mantika, tapos makita lang ang mga bilyong halaga ng pondo ay napupunta sa mga substandard at ghost na proyekto.” paliwanag ni Clarice Palce, pangkalahatang kalihim ng Gabriela. “Walang ekonomiko o moral na batayan para sa mahihirap na pamilya na pondohan ang pambansang badyet na palagiang pinipiga dulot ng sistematikong korapsyon.”

Nananawagan ang grupo sa mamamayan na ilabas ang kanilang galit sa nangyayaring korapsyon sa pambansang protesta sa Pebrero 25, sa ika-40 anibersaryo ng EDSA at sa Marso 8, sa pandaigdigang araw ng kababaihan.

“Panahon na para igiit natin ang sistema ng pagbubuwis na nagsisilbi sa interes ng nakakarami, hindi para sa kasakiman ng iilan,” pagtatapos ni Palce.

The post Pagbasura sa 12% VAT, ipinanawagan ng kababaihan appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.