Nagtipon ang mga lider sa komunidad ng Dupax del Norte, mga grupong pangkalikasan, katutubo, magsasaka, taong simbahan at sumusuporta sa laban sa UP Diliman sa Quezon City noong Pebrero 16 upang pormal na itatag ang Defend Nueva Viscaya Movement (DNVM).
Layunin ng kilusan na suportahan ang nagpapatuloy na laban ng mamamayan ng Dupax del Norte sa pagpapalayas sa Woggle Corporation, gayundin sa laban ng iba pang komunidad laban sa mapanirang dayuhang pagmimina sa Nueva Viscaya.
“Nagtitipon tayo ngayon hindi lamang upang ilunsad ang isang kilusan, kundi upang patunayan ang isang paniniwala, na ang lupa ay banal, ang mga tao ay banal, at ang ating adbokasiya ay banal din,” pahayag ni Bishop Elmer Macalinao ng Bayombong, pangunahing tagapagtaguyod ng DNVM.
Sa aktibidad, ibinahagi ng mga lider ng komunidad ng mga kwento kung paano nilabag ng mga tauhan ng Woggle ang batas, tulad ng pagsakop sa mga lugar na hindi bahagi sa itinakdang saklaw ng kanilang operasyon, at panggigipit, pananakit at pananakot sa mga residente.
Nananawagan ang kilusan para mapanagot ang kumpanya sa pagmimina at mga ahensya ng gubyerno na nagpahintulot sa pagkawasak ng kalikasan at paglabag sa karapatang-tao at para sa proteksyon at pagpapanumbalik ng mga watershed, kagubatan, at sakahan na bumubuhay sa Nueva Viscaya at Cagayan Valley.
Nanawagan din sila para sa mga polisiya na prayoridad ang sustenableng kabuhayan, ekolohikal na integridad, at kagalingan ng kasalukuyan at susunod na henerasyon sa halip ng panandaliang kita ng mga dayuhang kumpanya.
Hinikayat ng kilusan ang mga grupong lumahok sa pagbubuo ng DNVM na sumama sa pambansang protesta sa Pebrero 25, sa ika-40 anibersaryo ng EDSA at sa national solidarity mission sa Marso.
Nagpahayag ng suportsa sa DNVM ang Alyansa ng Novo Vizcayano para sa Kalikasan (ANVIK Official), Dupax del Norte Defenders, Taripnong–Cagayan Valley, at Center for Environmental Concerns–Philippines.
The post Alyansang Defend Nueva Viscaya Movement, itinatag appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

