Isang mapulang pagbati sa lahat!
Sa muling pag-usbong ng usapin sa presidential bid ni Sara Duterte, malinaw na naman kung paano ginagamit ang eleksyon bilang tabing ng mga naghaharing uri upang takasan ang pananagutan. Ngunit hindi na tayo padadaya dahil ang eleksyon sa ilalim ng kasalukuyang sistema ay hindi paraan ng pagpili ng pinuno, kundi isang engrandeng sarswela ng mga naghaharing uri upang panatilihin ang kanilang kapangyarihan at takasan ang pananagutan sa bayan.
Habang abala ang mga dinastiya sa pagpapakitang-tao, nananatiling duguan ang kamay ng estado sa red-tagging, militarisasyon, at pasismo. Ang eleksyon ay ginagamit lamang na “make-up” upang itago ang mukha ng isang sistemang maysakit at mapang-api. Habang ang kabataan ang pinipilit maging “pag-asa ng bayan,” tayo rin ang unang nakararanas ng krisis ng sistema.
Kabataan, sapat na ang pagiging tagapanood sa gilid ng kalsada.
Ang ilusyon ng pagbabago sa pamamagitan ng pagpili ng “lesser evil” sa balota ay paulit-ulit nang napatunayang hungkag. Hindi mabubura ng tinta sa daliri ang gutom ng magsasaka, ang kawalan ng trabaho, at ang komersyalisadong edukasyon. Ang tunay na kapangyarihan ay wala sa mga nakaupo sa gobyerno—ito ay nasa kolektibong lakas ng mamamayang lumalaban.
Hindi sapat na tayo ay mulat lamang. Hindi sapat ang pagpapalit ng pangalan sa balota kung ang kapangyarihan ay nananatili sa kamay ng mga dinastiya at panginoong maylupa. Gamitin ang tunay na talino at lakas sa pamamagitan paglingkod sa masang api. Tandaan na ang tunay na pagbabago ay hindi ibinoboto, ito’y ipinaglalaban.
Hinahamon ng Kabataang Makabayan John Paul Calica ang mga kabataan na tumungo sa kanayunan. Bitawan ang komportableng buhay at sumanib sa masa. Doon natin itayo ang gobyerno ng bayan na hindi nakadepende sa eleksyon na ang may benipisyo lamang ay ang iilan.
Doon, sa piling ng mga magsasaka at pambansang minorya, masusumpungan ang tunay na kalagayan ng bayan. Doon, ang pakikibaka ay hindi lamang usapin ng salita, kundi ng buhay-at-kamatayang paninindigan para sa lupa, hustisya, at pambansang demokrasya.
Kabataan, kumilos, mag-organisa at lumaban! Wala sa balota ang solusyon sa pagkamit ng tagumpay ng bukas. Rebolusyon ang sagot sa korapsyon at kahirapan!
The post Rebolusyon ang tanging solusyon sa pagdurusa ng bayan appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

