Inilunsad noong Pebrero 14 sa loob ng Ateneo de Davao University (ADDU) ang People’s Accountability Assembly bilang pagpapalakas sa panawagan para sa transparency at pananagutan sa gitna ng lumalalang korapsyon sa bansa.

Pinangunahan ang pagtitipon ng Stand in Opposition to Plunder (STOP) Corruption Alliance, kasama ang APILA ADDU, at nilahukan ng mga grupo at inbididwal mula sa sektor ng magsasaka, kabataan, maralita at relihiyoso. Ibinahagi ng mga kalahok ang epekto ng korapsyon sa kani-kanilang mga sektor, kabilang ang dislokasyon sa kabuhayan, lumalalang kahirapan, at limitadong akses sa batayang mga serbisyo dahil sa palpak at ghost na mga proyekto.

Idiniin ng alyansa na hanggang ngayon, wala pang upisyal na naparurusahan kaugnay ng mga iregularidad sa flood control project mula nang una itong pumutok noong Agosto 2025 at sa kabila ng malawakang galit at protesta ng publiko. Binigyang-diin ng alyansa ang pangangailangan ng mas malakas na sama-samang aksyon upang matiyak na may mapananagot sa mga anomalyang ito.

Dagdag dito, binuksan din sa assembiya ang diskusyon ukol sa iminungkahing Transition Council for Accountability and Reform—isang pansamantalang mekanismong sibilyan na bubuo kung sakaling matanggal sa pwesto ang mga pangunahing upisyal.

Inianunsyo rin sa pagtitipon ang mga planong protesta sa Pebrero 25 hindi lamang bilang paggunita sa ika-40 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution, kundi pagpapatuloy na rin sa paglaban sa pandarambong at para sa tunay na pagbabago.

Ang People’s Accountability Assembly ay bahagi ng nagpapatuloy na malawak na kilusang anti-korapsyon sa Pilipinas na sumiklab noong 2025.

The post Asembliya para sa pananagutan laban sa korapsyon, inilunsad sa Davao City appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.