Mahigpit na kinundena ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Camarines Norte ang pagsuko, sukdulang pagkakanulo at pagtataksil sa masa nina Marlon Asis (alyas Pots) at Julie Grace Lola (alyas Haraly). Ang dalawa ay iniharap ng 42nd IB sa publiko bilang mga “surenderee” noong Pebrero 4 sa hedkwarters ng batalyon sa Labo, Camarines Norte.
Sa pahayag ng 42nd IB, sinabi nitong nagsuko ang mag-asawa ng .30 kalibre at 60 kalibreng masinggan, mga bala, pampasabog, at iba pang kagamitang pandigma. “Nagtraydor sila sa masang magsasaka at uring anakpawis sa lalawigan kapalit ng makasarili nilang interes,” pahayag ng BHB-Camarines Norte.
Maliban sa pagsusuko ng mga armas at kagamitang pandigma, sinabi ng BHB na marami pang ibang krimen ang mag-asawa. Anito, bago pa magtapos ang 2025 ay mayroon nang mga ipinahamak at ipinagkanulo ang dalawa habang nagpapanggap na nasa mabuti pang katayuan sa kilusan.
Sa panahong iyon, nangangalap na ng impormasyon ang mag-asawa na ginamit laban sa rebolusyonaryong kilusan at masang anakpawis. Nagresulta ang mga ito ng magkakasunod na labanan na ikinapinsala ng BHB at mga sibilyan. Nagnakaw rin ang mag-asawa ng pondo ng Partido Komunista ng Pilipinas.
Ayon sa yunit, ang pagkakanulo ng mag-asawa sa ilang personahe ng rebolusyonaryong kilusan, pagtuturo sa imbakan ng mga kagamitang militar ng BHB, at pagnakaw sa pondo ay mga seryosong krimen. “Kailangang labanan at huwag pahintulutan ang kanilang pambubuyo at panlilinlang sa masa,” anang yunit.
Sa kumpas ngayon ng 42nd IB, naghahasik ng itim na propaganda at kasinungalingan ang mag-asawa, at aktibong nagpapagamit sa mga operasyong kombat laban sa yunit ng BHB. “Sa ngayon ay sagad na sagad na ginagamit ng pasistang kaaway ang kanilang kataksilan…subalit malao’t madali ay itatapon rin sila na parang gamit na basahan,” ayon sa BHB-Camarines Norte.
Sa pagtataksil ng mag-asawa, labis-labis ang nararamdamang pagkamuhi ng mga magkokopra, magkakabud at katutubong Manide. Sa galit ng masa, idinedeklara silang mga “persona non grata” sa mga larangang gerilya at saklaw ng rebolusyonaryong kilusan sa Camarines Norte.
Sa kabila ng pagtatraydor ng dalawa, determinado ang BHB-Camarines Norte na muling magpalakas. “Ang matagalang digmang bayan na natutunang yakapin ng uring anakpawis sa kanayunan ay di malalaos kailanman,” anito.
The post Pagtatraydor ng mag-asawang dating upisyal ng BHB-Camarines Norte, kinundena appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

