Nagsama-sama ang mga unyon at grupo ng mga kawani, guro, manggagawang pangkalusugan at nars sa pampublikong sektor para magsumite ng petisyon kay Ferdinand Marcos Jr na itaas ang Personnel Economic Relief Allowance (PERA). Isinimumite nila ang petisyon sa pambansang upisina ng Department of Budget and Management (DBM) sa Maynila noong Pebrero 13.

Anila, napapanahon nang itaas ang halaga ng PERA dahil 16 na taon na itong nakapako sa ₱2,000. Sa petisyong isinumite ng Courage (Confederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Employees), Kalakon (Kawani Laban sa Kontraktwalisasyon), Alliance of Concerned Teachers (ACT), Alliance of Health Workers (AWH), at Filipino Nurses United (FNU), giit nilang itaas tungong ₱5,000 ang PERA para makasabay sa mabilis na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Ang PERA ay unang binuo ng gubyerno noong 1991 para ayudahan ang sweldo ng mga kawani ng gubyerno bilang pansalag sa implasyon. Noong 2009, pinag-isa ng kongreso ang tinatanggap na alawans ng mga kawani sa pampublikong sektor at itinakda ang ₱2,000. Hindi na ito itinaas sa kabila ng paulit-ulit nang panawagan ng mga unyon at grupo.

Sa panibagong bugso ng kampanya para itaas ang PERA, nakakalap na ang mga grupo ng mahigit 25,000 pirma ng mga kawani sa pampublikong sektor. Iniulat rin nila ang iba pang mga aktibidad bilang pagsuporta sa kampanya.

Sa araw na isinumite ang petisyon, naglunsad ng mga protesta ang mga guro at unyon sa ilalim ng ACT sa iba’t ibang paaralan sa National Capital Region (NCR). Nagsagawa rin ng mga aktibidad ang mga myembro ng Social Welfare Employees Asociation of the Philippines (SWEAP)-NCR, bahagi ng Courage, sa kani-kanilang mga upisina at sa Mendiola sa Maynila. Isang hiwalay na pagkilos rin ang isinagawa ng AHW at FNU sa Mendiola.

Ayon sa ACT, lalong nalulubog sa utang at kawalang seguridad ang mga kawani sa pampublikong sektor dahil sa kawalan ng sapat na suporta ng gubyerno. Anang grupo ng mga guro, sadyang hindi nakasasapat ang napakababa nang sweldo ng mga nasa pampublikong sektor.

Dagdag ng grupo, tila pinababayaan sila ng gubyerno laluna at napakadali para kay Marcos na itaas ang sweldo at alawas ng militar at iba pang unipormadong tauhan sa bisa lamang ng aksyong ehekutibo. “Kung nagawa ng administrasyon na magpatupad ng executive intervention para sa MUPs, walang dahilan para hindi ito gawin para sa ordinaryong kawani ng gobyerno. Hindi espesyal na pribilehiyo ang hinihingi namin—karapatan ito sa disenteng pamumuhay,” ayon kay Ruby Bernardo, tagapangulo ng ACT.

Dagadag pa ng ACT, ang panawagan nilang itaas ang PERA ay isang kagyat na hakbang lamang para matulungan ang mga kawani sa pampublikong sektor. Magpapatuloy pa rin umano ang panawagan ng mga unyon at grupo para sa makabuluhang dagdag sweldo.

The post Pagtataas ng alawans ng mga kawani ng gubyerno, ipinanawagan appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.