Inilunsad ng mga progresibong grupo sa ilalim ng malapad na alyansang kontra korapsyon na Kilusang Bayan Kontra Kurakot (KBKK) ang unang serye ng Black Friday Protest noong Pebrero 13. Pagpapatuloy ito ng nasimulang mga lingguhang protesta kontra korapsyon ng rehimeng Marcos noong Setyembre 2025.
Sa unang serye ngayong taon, isinagawa ang mga pagkilos sa mga syudad sa National Capital Region (NCR), sa Iloilo, at sa Tacloban City. Lumahok sa mga ito ang mga manggagawa, maralitang-lunsod, kabataan at estudyante, mga guro, manggagawang pangkalusugan, kawani ng gubyerno at mga progresibong partido sa pulitika. Panawagan nila: “Tuloy ang laban kontra kurakot! Lahat ng sangkot, dapat managot!”
Nagkaroon ng mga protesta sa Mendiola, sa Altura Market sa Sampaloc, sa C.M. Recto Avenue, at sa tapat ng Manila Science High School sa kahabaan ng Taft Avenue sa pangunguna ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-Manila. Ang mga pagkilos ay pagkundena sa matinding korapsyon ng rehimeng Marcos at maging ng lokal na gubyerno sa Maynila, ayon sa grupo.
Anito, patuloy na dinaranas ng mga Manilenyo ang matinding pagbaha dulot ng korapsyon sa mga flood control project. Binatikos rin ng grupo ang pribatisasyon at komersyalisasyon sa mga palengke, ang isyu sa garbage fee, demolisyon sa mga maralitang komunidad, ang Waste-to-Energy (WTE) na makasasama sa kalusugan at kabuhayan, mga proyektong reklamasyon, militarisasyon sa mga kampus, at iba pa. “Ibuhos natin ang ating galit sa lansangan at ipakita ang ating nagkakaisang lakas na labanan ang pasismo at burukrata-kapitalismo!” anito.
Sa Quezon City, nagkaroon ng programa sa labas ng Sto. Domingo Church, sa University of the Philippines (UP)-Diliman, at sa harap ng Miriam College sa Katipunan Avenue. Sa Navotas City, isinagawa ang protesta sa Agora Market. Kabilang sa lumahok sa protesta sa palengke ang grupo ng kababaihan na Gabriela-Camanava na nanawagang “Tanggalin ang VAT! Ikulong ang mga korap!”
Naglunsad rin ng mga aktibidad at pagtitipon sa kani-kanilang pampublikong paaralan sa NCR ang mga gurong myembro ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) NCR Union. Kumilos rin sa kanilang mga upisina ang mga kawani ng Department of Social Welfare and Development sa pangunguna ng kanilang unyon na Social Welfare Employees Association of the Philippines-NCR.
Sa Iloilo, natipon-tipon ang mga progresibong organisasyon at mga estudyante ng UP Visayas para sa protesta. Inilunsad naman ng mga kabataan ang pagkilos sa Tacloban City sa RTR Plaza.
Sa lahat ng mga protestang ito, nanawagan ang mga progresibong grupo sa mga Pilipino na lumahok sa mga protestang kontra korapsyon sa darating na Pebrero 25, kasabay ng paggunita sa ika-40 anibersaryo ng pag-aalsang EDSA People Power. Isasagawa ang pangunahing pagkilos sa araw na iyon sa EDSA sa pangunguna ng KBKK. Ang grupo ang nanguna sa 100,000-kataong demonstrasyon noong Setyembre 21, 2025 at 20,000-kataong kilos protesta noong Nobyembre 30, 2025 laban sa korapsyon sa Luneta Park, Maynila.
The post Black Friday Protest kontra korapsyon, muling ikinasa nitong Pebrero appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

