Kinundena ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya) sa isang pahayag noong Pebrero 11 ang panibago na namang plano ng Department of Agriculture na mag-angkat ng isda sa harap ng sinasabi nitong kasalatan sa lokal na produksyon.

“Agad kaming nagpapaalala sa DA na huwag gawing dahilan ang lumabas na ulat ng taunang pagbagsak ng produksyon ng isda para mag-angkat ng tone-tonelada, na higit na nagpapabagsak sa kabuhayan ng mga lokal na mangingisda,” pahayag nni Fernando Hicap, tagapangulo ng Pamalakaya.

Sa nakaraang walong taon, lampas 200,000 metriko toneladang isda ang inaangkat ng Pilipinas taun-taon. Ito ay habang bumabagsak nang 45,472 metriko tonelada (o 45 milyong kilo) ang taunang huli ng lokal na mga mangingisda mula 2010. Ang malala, kaunti na nga ang huli, bagsak pa ang presyo dahil sa pagbaha ng imported na mga isda mula China, Taiwan at Vietnam.

“Ang lumabas na pag-aaral kaugnay sa bumabagsak na produksyon ng isda ay hindi simpleng datos; manipestasyon ito ng dumadausdos na kalagayan ng maliliit na mangingisda bunga ng kapabayaan ng pamahalaan,” ayon kay Hicap.

Kabilang sa mga kapalpakan ng estado na pumipinsala sa lokal na pangisda ang kakulangan ng tugon nito sa mga kalamidad, pagtutuloy-tuoy sa mga proyekto na nagwawasak sa mga pangisdaan at ekosistemang marino tulad ng reklamasyon, at ang pagpapahintulot sa mga komersyal na operasyon sa municipal waters (15 kilometrong karagatan mula sa baybay).

Ang pagbagsak ng lokal na huli ng isda ay laman ng isang pananaliksik na inilabas ng Oceana Philippines noong unang linggo ng Pebrero. Ayon sa ulat, bumagsak ang lokal na produksyon ng isda mula 2.6 milyon MT noong 2010 tungong 1.9 milyon MT na lamang sa 2023. Sa ulat, tinukoy na pangunahing mga salarin ng pagbaba ng huli ang palpak na pamamahala ng gubyerno, sobra-sobrang pangingisda ng mga komersyal na barko, iligal at walang regulasyong pangingisda, at pagkawasak ng mga pangisdaan.

Sa datos mismo ng estado, mula 2017, 88% ng mga isda ay “overfished” o sobrang bilis na hinuhuli at hindi nahahayaang dumami o lumaki.

Ayon din sa ulat, tinatayang nasa 353,000 pamilyang mangingisda ang lugmok sa kahirapan dahil sa pagbagsak ng kanilang kabuhayan. Halos 100,000 sa mga ito ang maituturing na “food-poor” o salat sa nutrisyon.

The post Pagpapalakas ng lokal na pangisda, hinndi importasyon, panawagan ng mamamalakaya sa harap ng pagbagsak ng huling isda appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.